Advertisers
ISANG sunog na bangkay ang natagpuan sa bisinidad ng pinangyarihan ng nasunog na cargo vessel sa Delpan Bridge sa Maynila nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay PCG Spokesperson, Commodore Armand Balilo, hindi na makilala ang bangkay kaya nakipag-ugnayan ang coast guard sa SOCO para matukoy ang pagkakilanlan nito.
Inaalam din kung kabilang ito sa tripulante na unang iniulat na nawawala nang sumabog at magdulot ng malaking sunog ang MV TITAN-8.
Nitong Sabado ng umaga nang masunog ang barko habang naka-angkla at nagpapakarga ng gasolina.
Anim ang unang iniulat na nasugatan habang dalawa ang missing. Ngunit nitong Linggo ay natagpuan ang isa sa nawawala na si Edmund Palanca na isang pahinante.
Nasa anim na segment o 150 metro ang lawak ng binakuran ng oil spill boom dahil na rin sa mga tumapon na langis na unti-unti narin nawala sa katubigan.(Jocelyn Domenden)