Advertisers
TUNAY na superyor sa bakbakan sa ‘lupang pangako’ ang mga mandirigma ng Basilan.
Niratrat ng Mindanao leg champion Peace Riders ang Visayas leg titlist KCS-Mandaue, 83-65, kamakalawa ng gabi para makumpleto ang makasaysayang ‘sweep’ upang tanghaling Southern Finals champion ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Pagadian City Gymnasium na nasa Zamboanga del Sur.
Winalis ng Jumbo Plastic-Basilan ang kampeonato sa malinis na 3-0 marka sa best-of-five series.
Sa Mindanao leg, sinuyod din ng Basileños ang (12-0) norneo sa kauna-unahang professional basketball league sa South.
Maliban sa opening frame kung saan nakaabante ang KCS, 23-20, hindi na nakaporma ang Mandaue nang magsimulang rumepeke ang opensa ng Peace Riders para isara ang halftime sa 43-40.
Sinundan ng Mindanao champs ang hataw sa dominanteng 15-0 run para sa 28 puntos na kalamangan, 58-30, sa kalagitnaan ng third period. Wala nang nagawa ang KCS kundi panoorin ang pakikipagtipan sa kasaysayan ng Basilan.
“Talagang napakasarap nitong championship na ito kasi ang hirap ng basketball ngayong pandemic. We are fortunate na na nakakapaglaro kami pero now na nag champion tapos na 13-0 pa, it’s on a whole another level,” pahayag ni Basilan head coach Jerson Cabiltes.
Nanguna si Jay Collado sa Basilan na may 15 puntos at apat na rebounds, habang kumana si Michael Juico ng 14 puntos, pitong rebounds, apat na assists, at dalawang steals.
Kumamada si Gileant Delator sa Visayas kings na may 14 puntos at limang steals.
Bukod sa karangalan na kauna-unahang Southern champions, tinanggap ng Basilan ang premyong P1 milyon mula kay Chooks-to-Go Pilipinas owner Ronald Mascarinas. Naiuwi naman ng KCS ang P500,000.(Danny Simon)