Advertisers
Taysan, Batangas- Nakatakas ang isang preso matapos lansihin nito ang bantay na police jail officer sa Taysan custodial facility sa Barangay Poblacion West ng nabanggit na bayan, Lunes ng gabi.
Kinilala ang nakatakas na preso na si Rudy Basia, isang prison under police custody (PUPC) sa Taysan Municipal Police Station, nasa hustong edad na meron kasong Robbery at Frustrated Homicide.
Sa report na ipinadala ni Police Captain Billy John Mactal, ang hepe ng Taysan PNP, kay Batangas Provincial Director Colonel Glicerio Cansilao, bandang 7:00 ng gabi nang dumaing ang bilanggo na nahihirapan itong huminga at masakit ang dibdib. Kaya’t agad itong inilabas sa lock up cell ni Patrolman Richard Cordero at dinala sa lobby ng himpilan para tumawag sa telepono kay Dra. Daisy Pauig, ang medical health officer ng naturang bayan, upang humingi ng medical advise. Subalit nang balikan ni Pat.Cordero ang preso ay wala na ito at hinihinalang dumaan sa may pintuan sa likod ng istasyon ng pulisya.
Agad naman hinanap ng police jail guard ang preso, subalit hindi na ito nakita kaya’t agad itong ini-report sa kanilang hepe na agad naman naglatag ng dragnet at manhunt operation laban sa nakatakas na bilanggo.(Jose “Koi” Laura)