Advertisers

Advertisers

BONG GO ‘DI INTERESADONG MAGING PRESIDENTE

0 399

Advertisers

Pinaninindigan ni Senator Christopher “Bong” Go na wala itong hangaring maging presidente para sa 2022 national elections nang ito ay matiyempuhang makapanayam ng mga mamamahayag sa kaniyang naging pagdalaw sa mga medical frontliners sa Cotabato Regional and Medical Center, Cotabato City nitong September 24,

Inihayag ni Go na susuportahan niya ang mga kandidatong makapagpapatuloy sa pinasimulang pagbabago ni President Duterte para sa pagkakaloob ng mas ikaaalwang buhay sa lahat ng mamamayan.

“Kung ano po ‘yung makakabuti at sino po ‘yung makakapagpatuloy ng inumpisahang pagbabago ng ating Pangulo susuportahan ko po ‘yon,” saad ni Go.



Ipinunto ni Go na pinagtutuunan niya ang pagta-trabaho para mapagsilbihan ang mga Filipino sa anumang pamamaraan.

“Alam n’yo paulit-ulit na po ‘yang tanong na ‘yan. Sumulat na po ako sa PDP-Laban, sa partido namin bago pa po ‘yung convention kung saan po ni-nominate nila si Pangulong Duterte at ako,” hayag ni Go.



“Sumulat na po ako na huwag na lang po akong isama sa nomination. Dahil unang-una, hindi nga po ako interesadong tumakbo dahil alam ko po ‘yung hirap ng trabaho ng isang pangulo,” dagdag nito.

Gayunman, pinasalamatan nito ang publiko sa patuloy na pagtitiwala sa kaniya at kay President Rodrigo Duterte. Inihayag din nito na ipinauubaya niya sa Diyos ang kaniyang kapalaran sa politika, sa mga Duterte at sa Filipino people.



“Salamat po sa mga nagtitiwala sa amin ni Pangulong Duterte. Salamat po sa inyong tiwala. Kayo po ang nagbibigay lakas sa akin na makapagtrabaho pa po. So let me repeat, I leave my fate to God, kay Allah kung ano man po ang plano Niya sa akin. Kung ano man po ang destiny na saan po ako dadalhin,” saad ni Go.

“At, I leave my fate to the Filipino people and, of course, sa mga Dutertes, sila naman po ang magdedesisyon kung ano ang tatakbuhan nila. Ipapasa-Diyos ko na lang po ang lahat kung saan po ako dadalahin nito, kung saan man po ako ipapadpad,” dagdag nito.

Anuman ang mangyari sa 2022 ay inihayag ni Go na ipagpapatuloy niya ang kaniyang misyong mapagsilbihan ang sambayanan lalong-lalo na ang pagtulong para mapagtagumpayan ang pandemic.

“Ang importante pa rin po sa akin kung ano po ‘yung gusto ng Panginoon para sa akin ay susundin ko po ‘yon at kung ano po ‘yung paraan na patuloy po akong makapagserbisyo sa aking kapwa Pilipino. At lalung-lalo na po para malampasan po natin itong pandemyang ito,” pahayag ni Go.

“Naka-focus po muna ako dito sa pandemya. Mag-focus muna tayo dito sa pandemya, importante po malampasan muna natin itong pandemyang ito, dahil baka wala na tayong pulitikang pag-uusapan kung hindi natin malampasan. So, darating naman po ang October 8, ‘yun naman po ang deadline ng filing,” pagpupunto pa ni Go.

Dahil dito ay hiniling ni Go sa lahat na hintayin ang filing of candidacy sa October 8 para sa final decision ng mga Duterte at sa mapagpapasiyahan ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan.

“So, hindi pa rin nagbabago ang isip ko, hindi pa rin po ako interesado. Pero antayin na lang po natin ‘yung October 8 kung ano po ‘yung pinal na magiging desisyon ng mga Dutertes at ano po ‘yung magiging plano ng partido,” pagpupunto pa ni Go.