Advertisers
INATASAN ng Office of the Ombudsman si former House of Representatives Speaker Martin Romualdez na sagutin ang mga reklamong kinakaharap patungkol sa korapsyon.
Sa mensaheng ipinadala ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano, kanyang sinabi na nag-isyu na ng kautusan ang ‘preliminary investigation team’ ng tanodbayan sa dating house speaker at mga kapwa respondents nito.
Kung saan inatasan silang magsumite ng ‘counter-affidavits’ o kontra-salaysay bilang kasagutan at depensa sa mga reklamong isinampa laban sa kanila.
Kasalukuyan kasing nasa ‘preliminary investigation stage’ na ang mga reklamong kinakaharap ng mambabatas tulad ng plunder, graft, at money laundering.
Kaugnay pa rin ito sa pagiging sangkot ni Leyte 4th District Rep. Martin Romualdez sa isyu ng korapsyon partikular sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Kasunod ang kumpirmasyon ng Ombudsman nang ianunsyo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na patungkol sa paghahain ng Ombudsman ng patung-patong na mga kaso laban kay Rep. Romualdez.
Kahit pa aniya’y masakit dahil sa kanya itong pinsan, tiniyak ng presidente na ang pagiging lider ng bansa ay hindi para sa pamilya’t kaibigan kundi upang paglingkuran ang Pilipinas.
Ayon pa kay Clavano, batay sa dokumentong inisyu ng tanodbayan, binibigyan ng 15-araw mula sa pagkakatanggap ng kautusan ang dating House Speaker at mga kapwa respondents upang magsumite ng kontra-salaysay.
Aniya’y sa oras makapagpasa na ang mga respondents ng kani-kanilang mga ‘counter affidavits’, didiretso na sa pagiging ‘submitted for resolution’ ang mga reklamo.
Subalit sa nakaraan ‘press conference’ ng tanodbayan, nilinaw ni Clavano na ang mga reklamong plunder, money laundering at iba laban kay Romualdez ay hindi nangangahulugang awtomatikong ‘guilty’ na kagad ito sa kaso.
Paliwanag niya’y ang preliminary investigation stage ng tanodbayan ay isang proseso kung saan tutukuyin at idedetermina ng prosekusyon kung may sapat ng ebidensya para tuluyan iakyat at isampa sa kaukulang korte.
Si Romualdez ay pinararatangan ‘central figure’ sa flood control projects anomaly ngunit patuloy lamang pinabubulaanan ng mambabatas ang mga alegasyon.