Advertisers

Advertisers

Kapakanan ng mga kapus-palad ipaprayoridad – Bong Go

0 236

Advertisers

NANGAKO si Senador Christopher “Bong” Go na ipagpapatuloy niya ang pagbisita sa mga komunidad sa buong bansa upang mapakinggan ang mga problema ng mga pinakanangangailangang sektor at magbigay ng solusyon sa kanilang pang-araw-araw na suliranin.

“Opo, pangako ko sa Pilipino ‘yan. Bago pa po ako nakaupo bilang Senador, proclamation pa lang… Pagkatapos ng proclamation namin sa PICC, imbes na pumunta po ako sa restaurant para kumain, pumunta po ako sa nasunugan sa Caloocan,” ayon kay Go sa isang ambush interview nang mamahagi siya ng tulong sa iba’t ibang sektor sa Tagum City, Davao del Norte noong Huwebes.

“Doon po ako nakipag-boodle fight sa kanila, dahil pangako ko po ‘yan sa mga kababayan natin. Makapagbigay ng tulong at solusyon sa kanilang mga problema at makapag-iwan po ng kaunting ngiti sa panahon ng kanilang pagdadalamhati,” dagdag pa niya.



Si Go ay matatandaang naghain ng kanyang Certificate of Candidacy sa pagka-bise presidente noong Oktubre 2, kasama si Pang. Rodrigo Duterte. Aniya, ang kanyang desisyong tumakbo ay tulak ng kanyang pagnanais na ipagpatuloy ang legasiya ng administrasyong Duterte.

Nangako rin siyang magiging isang “working vice president,” at binigyang-diin na hindi siya magiging ‘spare tire’ lamang, kundi isang public servant na maaaring sulingan ng mga ordinaryong mamamayan.



“I will be a working public servant po na walang masasayang ni isang minuto, ni isang oras po. Magtatrabaho po ako. Noon pa man hanggang ngayon at magpakailanman, kahit na senador o kahit ano na posisyon, magseserbisyo po ako sa mga kababayan natin,” aniya.

Sinabi pa ni Go na ang pagpapatuloy ng legasiya ni Pang. Duterte ay magiging bahagi ng kanyang vice presidential platform.



“Pagpatuloy ko ‘yung magagandang programa na inumpisahan ni Pangulong Duterte. Nabanggit ko kanina, campaign against drugs, campaign against corruption in government, campaign against criminality, more (infrastructure) projects… Build, Build, Build. And, of course, economic recovery natin. ‘Yung pagbigay ng trabaho at pagsugpo ng kahirapan at gutom,” aniya pa.

“Bigyan ho natin ng trabaho ‘yung mga nawalan po ng trabaho, ‘yon po unahin natin. Tulungan po natin ang ating mga kababayan na makabangon po. Magsipag, maging productive po… Mga nagsara na negosyo, tulungan rin po natin,” dagdag pa niya.

“And, of course, libreng pagpapagamot at libreng edukasyon. At least, one graduate per family po ang gusto kong mangyari,” giit pa ng vice presidential aspirant.

Tiniyak rin niyang buo na ang kanyang isipan sa pagtakbo sa 2022 vice presidential race, na nagsasaisantabi sa anumang pag-aalala na ang kanyang kandidatura ay bilang paghahanda lamang sa pagtakbo ng ibang tao.

“Tuluy-tuloy na po ang aking kandidatura bilang Vice President. At gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya na maipagpapatuloy ang mga programa po na naumpisahan po ni Pangulong Duterte,” aniya.

Bilang vice presidential aspirant, sinabi rin ni Go na maaari siyang makipagtrabaho kahit sino man ang mapagpasyahan ng mga mamamayan na ihalal bilang pangulo.

Gayunman, mas nais umano niyang mahalal sa pagka-presidente ang isang taong magsusulong sa continuity na nais ng mga mamamayan.

“Ako po, handa akong sumuporta kung sino man po ‘yung magiging pangulo. Kung ano po ‘yung natutunan ko kay Pangulong Duterte, itutulong ko po sa magiging pangulo,” ani Go.

“Isa lang po ang hihilingin ko sa kanya, ipagpatuloy lang po ‘yung mga programang nakakatulong po sa mga mahihirap po. ‘Yung mga kababayan nating helpless, mga hopeless na walang matakbuhan, ‘yon po ang importante sa akin na unahin po natin, asikasuhin po natin sila,” pagtatapos pa niya. (Mylene Alfonso)