Advertisers
BINUSALAN ng taga-pagsalita ng Quezon City si Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor sa pahayag nito na dapat ay bigyan na ng pamahalaang lokal ang mga kawani nito ng ‘year-end’ bonus bilang dagdag na ayuda para maka-ahon sa paghihirap na dala ng pandemiyang dulot ng Covid-19.
Sinabi ni Atty. Orlando Casimiro, hepe ng legal department ng Quezon City at taga-pagsalita nito, na ang mga pahayag ni Defensor ay huli na. Dahil ang katotohanan, ay nakapag-palabas na ng menorandum circular si Mayor Joy Belmonte ukol dito bago pa naisipan ng mambatatas.
Maging sa social media ay sinupalpal ni Casimiro si Defensor nang ipost ng opisyal sa kanyang Facebook page ang kanyang paliwanag na si Defensor ay huling-huli na sa balita, kaparis ng kalagayan nito sa mga survey na nagsasabing “kulelat” din ang mambabatas sa mayoralty race.
Ipinost din ni Casimiro ang tatlong Memorandum Circular na inisyu ni Mayora Joy Belmonte na nagsasaad ng pagbibigay ng mga Christmas bonus at iba pang mga benepisyo sa mga empleyado ng Quezon City hall na di kinakailangan lumagpas ng December 20, 2021.
Ayon kay Casimiro, taon-taon namang ginagawa ito ng Mayora magmula nang maupo ito bilang punong-lungsod.
“Simula pa po nang umupo si Mayor Joy ay pinakita na niya ang pagpapahalaga sa mga sakripisyo ng mga empleyado ng Quezon City, lalung-lalo na sa mga frontliners. Nakagawian na at bago mag December 21 ngayong taon, ibibigay na ang mga benipisyong ito,” ang pahayg ni Atty. Casimiro.
“Matagal nang nagawa ni Mayor Joy Belmonte ang maiangat ang antas ng pamumuhay at pagbigay ng sapat na benepisyo sa mga manggagawa ng Lunsod Quezon,” ang dagdag pa ng abogado na may hashtag pang ‘#LateKaNaManongCong’ sa kanyang social media post.
Patungkol din ito sa mga pahayag at pasaring ni Defensor na idinadaan sa mga ‘press releases’ ng mambabatas na tila hindi na pinagaaralan o ginagawan ng ‘fact checking’, ayon sa opisyal. Inihalimbawa pa ni Casimiro ang pahayag ni Defensor na ‘over-priced ang mga ayudang naipamigay ng pamahalaang lungsod sa mga residente nito, samantalang sinasabi na ng Commission on Audit” na “above board” ang lahat nang pag-angkat ng siyudad sa mga ipinamahagi nitong mga ayuda bunga ng pandemic.
Katunayan ay pinarangalan pa nga ng CoA ang siyudad sa maayos nitong pagsunod sa mga procurement laws.
Maging ang maling pahayag ni Defensor na magtataas ng amilyar ang pamahalaang lungsod, ay sinopla ni Casimiro. Wala raw pagtataas ng bayad sa amilyar ang magaganap dahil alam ng pamunuan ng Quezon City ang kalagayan ng lahat sa panahon ng pandemiya.