Advertisers
NATAGPUAN nitong Linggo ang bangkay ng dalawang estudyante makalipas ang dalawang araw na pagsasagawa ng search and rescue operation sa kahabaan ng Cagayan River, Barangay Bagay, Tuguegarao City, Cagayan.
Kinilala ng Cagayan Provincial Police Office (CPPO) ang mga biktima na sina Vince Niño Narag at Mark Anthony Tuppil na parehong 12-anyos at residente ng Bgy. Atulayan Sur, Tuguegarao City.
Ayon sa report, noong Biyernes 1:00 ng tanghali pumunta sa tabing ilog ang mga biktima at kaibigang si James Paul Tumaliuan para manghuli ng gagamba.
Ang biktimang si Vince ang unang pumunta malapit sa river control para tingnan ang lebel ng tubig, ngunit habang nasa proseso, nadulas siya at nahulog sa malalim na bahagi ng ilog.
Kaagad siyang tinulungan nina James at Mark– ngunit nahulog din sila sa ilog.
Tanging si Jam ang nakaligtas habang ang mga biktima, naanod at nalunod. Humingi rin ito ng tulong sa ibang tao na naroroon sa lugar sa kabila ng pagkagulat.
Naiulat lamang ang insidente sa Tuguegarao City Police 8:30 ng gabi at nagsagawa ng search and rescue.
“Ala-sais ng umaga ng November 21, 2021 sa Barangay Bagay sa lungsod nang marekover ng RESCUE 1111 ang katawan ni Tuppil at ang kasama nito na si Narag ay natagpuan 11am-12:00 noon sa bahagi ng Babayuan, Amulung, Cagayan ng pinagsanib pwersa ng TFLC at Amulung rescue,” pahayag ng Tuguegarao CIO.