Advertisers
IBINASURA ng Second Division ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na nagpapa-recall sa kanilang desisyon na palawigin ang deadline na ibinigay nila kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sumagot sa petisyon na nagpapakansela naman sa kandidatura nito sa pagkapangulo.
Pahayag ng Second Division sa kanilang desisyon noong Nobyembre 23, pero inilabas nitong Huwebes, na ang poll body ay mayroong awtoridad para suspindehin ang reglementary periods base sa kanilang patakaran.
Iginiit nila na mas maayos na mapagdedesisyunan ang isang kaso kung ang lahat ng contending parties ay mabibigyan ng pagkakataon para maipahayag ang kanilang claims, makapagpresinta ng argumento at makapaglabas din ng kani-kanilang ebidensya.
Sa pamamagitan nito ay magkakaroon lamang aniya ng accurate factual findings at correct legal conclusions.
Nobyembre 18 nang ipinagkaloob ng Comelec ang apela ni Marcos na mabigyan ng karagdagang limang araw mula Nobyembre 17 upang makapagsumite ng kanilang sagot sa petisyon na nagpapakansela sa kanyang certificate of candidacy.
Matatandaan na ang deadline sana para sa kampo ni Marcos para sumagot sa petisyon na inihain noong Nobyembre 2 ay orihinal na nakatakda noong Nobyembre 16. (Josephine Patricio)