Advertisers

Advertisers

DATING MARIKINA CITY MAYOR, IBA PANG LIDER KAKAMPI NA NG “TEAM ISKO”

0 360

Advertisers

DAHIL sa naipakitang kahusayan sa pamumuno ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, nagkaisa ang mga kilalang lider politiko at mga samahang sibiko sa Marikina City na suportahan ang kandidatura niya para pangulo sa Mayo 2022.

Sa isang aktibidad na pinangunahan ng Ikaw Muna (IM) Pilipinas, ang pambansang pangkat ng mga volunteer ng “Team Isko” sa Marikina, lantarang inihayag ni dating Mayor Del R. de Guzman ang paghanga sa kandidatong pangulo ng partido Aksyon Demokratiko.

Sa nagkakaisang pahayag sa publiko, binanggit ni De Guzman, kasama ang mga konsehal ng siyudad na sina Xyza Diazen Santos, Mark Albert del Rosario at Erning Flores ang mainit na suporta sa “Bilis Kilos” na liderato ng alkalde ng Maynila.



Taglay ang tunay na malasakit sa kapakanan ng taumbayan, pagkamasunurin sa Diyos, naniniwala sina De Guzman na si Yorme Isko ang tamang lider na may katangiang mapagkaisa ang bansa sa susunod na anim na taon.

Sabi pa ni De Guzman, naipakita ni Yorme Isko ang husay sa pamumuno na sa mabilis na kilos ay naibalik ang sigla ng Maynila.

Aniya, sa maikling panahon ng pagiging alkalde ni Isko, naibalik niya ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno.

“At ito ay magagawa niya (Yorme Isko) sa ating bansa, siya ang leader na talagang iniisip ang kaunlaran ng mga bayan-bayan at ng ating mismong bansa sa kabuuan,” pahayag ni De Guzman.

Pinasalamatan din ng dating alkalde ng Marikina na tanyag bilang ‘Shoe Capital” ng Pilipinas ang pagsisikap at malasakit na mabigyan ng tulong sa buhay at kabuhayan ang mga tao sa barangay sa pamamagitan IM Pilipinas.



Ayon kay De Guzman, napakaganda ng hanapbuhay na ibinibigay ng IM Pilipinas ngayon na maraming kababayan ang nawalan ng trabaho ngayong panahon ng pandemya.

“… sa pamamagitan ng katulad ng livelihood training na ito ay magkakaroon ng income ang ating mga kababayan. Lalo na itong mga participants natin ngayon na mga mothers, dahil dito sa livelihood training sila ay magiging empowered at makatutulong sa kanilang mga asawa sa pagtataguyod ng kanilang pamilya,”paliwanang ni De Guzman.

Tinuturuan ang mga kasali sa aktibidad ng mga paraan sa paggawa ng kandila, sabong panlaba at panghugas na isa sa proyekto ng IM PIlipinas’ “Bilis Kilos Mobile Team” na lingguhang ginaganap sa maraming lugar sa bansa.

Mayroon ding ginagawang “ISKOwentuhan sa Barangay” sa barangay na doon ay pinakikinggan ang mga hinaing at kailangang aksiyon at tulong mula sa mahihirap na pamilyang Pilipino.

Pinasalamatan din ni Annie Candidato, lider sa komunidad at nagtatag at pangulo ng Mothers Glee si Yorme Isko at ang IM Pilipinas sa mga proyektong nagbibigay tulong at ng pag-asa sa mga mamamayan upang makabangon sa masamang epekto ng pandemyang COVID-19.

Wika ni Candidato, nakikita niya kay Yorme Isko ang pang-unawa sa kalagayan ng pamilyang mahihirap dahil “siya mismo ay galing rin sa mahirap na buhay.”

Hinangaan niya si Yorme na dahil sa sariling pagsisikap ay nagawang umasenso sa buhay.

“Ito ang magandang ehemplo ng isang leader na pwedeng tularan ng lahat lalo na ng mga kabataan. Sigurado kami na aasenso ang ating buhay sa panahon na siya ang mamumuno sa ating bansa,” sabi ng pangulo ng Mothers Glee.

Sa kanyang panig, sinigurado ni IM Pilipinas secretary general Elmer Argaño na tuloy-tuloy ang mga programa ng Bilis Kilos Mobile Team para maabot ang mas maraming tao.

Ipinaliwanag ni Argano na nakapokus ang ‘Buhay at Kabuhayan’ na makapaglitas ng buhay sa panahon ng pandemya at ito ay sa mga proyektong hatid na livelihood na kahit maliit lamang ay malaki ang maitutulong sa mahihirap na pamilya.

“…maaaring maliit lang ito sa ngayon pero kung ating pagyayamanin maaaring lumaki at magiging role model kayo sa buong bansa. Gawin natin ang lahat ng magagawa natin at sabi nga ni Yorme, may awa ang Diyos, lalo na sa mga tao na nagsisikap kaya nga, God First!” sabi ni Argaño.

Ilan sa mga lugar na ginanap na ang ‘Buhay at Kabuhayan’ program ay Cagayan de Oro, La Union, Rizal, Cagayan Province and Taguig at iba pang lalawigan.