Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
TAWA nang tawa ang Kapuso teen actress na si Angelika Santiago nang kulitin namin kung may ka-love team na nga ba siya sa Book-2 ng Prima Donnas.
Ilan sa tampok dito sina Aiko Melendez, Katrina Halili, Wendell Ramos, Jillian Ward, Althea Ablan, Sofia Pablo, Miggs Cuaderno, Elijah Alejo, Sheryl Cruz, Bruce Roeland, sa pamamahala ni Direk Gina Alajar.
May nasagap kasi kaming tsika na sina Angelika at Bruce ay matagal ng magkaibigan. Actually, classmates sila since elementary hanggang high school hanggang nag-stop na si Angelika na pumasok sa school at nag-online class na lang ang teen actress.
Kaya nagkagulatan daw ang dalawa nang magkita sila sa Prima Donnas book-2 at nagkasama sa lock-in taping nito.
Totoo ba na ito ang magiging kalove team niya sa Book 2 ng Prima Donnas?
Nakatawang tugon ni Angelika, “Hindi po, childhood friends lang po kami.”
Ang parents niya ba ay okay lang kung ligawan na siya dahil nag-debut na naman si Angelika?
Aniya, “Hmm… wala naman po silang problem sa bagay na iyon, kaso ako po talaga mismo ang umaaayaw, hehehe.”
Nag-enjoy ba siya sa pagbabalik-taping?
Lahad ni Jelay (nickname ni Angelika), “Yes po, super nag-enjoy naman po, kasi mas lalo po kaming naging close nila Jillian, Will, Eli, Miggs, Julius and si Bruce po.”
Uy, kasali si Bruce ha?
“Hahaha! Friends lang po kami!” Nakatawang bulalas pa ni Angelika.
Nabanggit pa ng aktres na na-challenge siya sa pagbabalik-taping sa nasabing serye ng GMA-7.
“Yes po! Super na-challenge po, kasi nahihirapan po ako na 18 na ako and yung role ko po ay medyo bata pa rin po.”
Sinabi rin niyang BFF pa rin sila ni Elijah kahit nagka-pandemic at hindi sila nagkikita masyado.
“Opo! Salamat po talaga sa technology dahil lagi kaming nagkakatawagan ni Eli. Opo, pati sa serye, kami pa rin ang madalas na magkasama ni Eli, hahaha! Hindi po talaga kami nagsasawa sa isa’t isa.”
Si Eli ba nasasabihan niya kung sino ang kanyang mga crush and vice versa?
“Siyempre naman po, kaso ako po talaga wala akong masabi kay Eli, kasi wala naman po akong crush,” nakangiting pakli pa ni Angelika.