Advertisers
Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang ina, anak na dalagita at 14-anyos na kapitbahay habang kritikal ang isa pang lola nang katayin ng 18 anyos na anak ng biktimang ginang Lunes ng madaling araw sa Brgy. Madulao ng bayang ito.
Sa ulat ni P/Sergeant Michael Adao, imbestigador ng Catanauan Police, kinilala ang mga nasawi na sina Rosita Villena Lazo, 54; anak nitong si Rose Ann, 16; at kapitbahay na si Kenesha Anela Donor Allaga, 14, na pawang nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at dead-on the-spot sa lugar.
Ang lola ni Allaga na si Loreta Petalbo Donor, 68, nagtamo rin ng mga saksak sa katawan at nasa kritikal na kondisyon sa Bondoc Peninsula District Hospital.
Nahaharap sa mga kasong parricide, multiple murder at frustrated murder ang anak ni Rosita na si Rey Jhon Lazo alyas “Eddy”, binata, walang trabaho, na siyang responsable sa krimen.
Sa imbestigasyon, 2:30 ng madaling araw habang mahimbing na natutulog ang mga biktima sa kani-kanilang bahay nang maganap ang masaker.
Sinabi ni Adao na nasa impluwensya ng alak ang salarin nang unang pasukin ang bahay ng kapitbahay na Donor at pinagsasaksak ang maglolang Kenesha Anela at Loreta.
Bagama’t sugatan, nakatakbo si Kenesha Anela sa bahay ng mag-inang Lazo para humingi ng tulong, gayunman, inatake at pinagsasaksak din ng salarin ang una at maging ang kanyang sariling ina at kapatid na babae.
Tumakas si Lazo matapos ang pagkatay sa apat at nagtungo sa bahay ng isang kaibigan subali’t naaresto rin siya ng mga rumespondeng pulis at inamin umano nito ang krimen.
Itinuro rin niya ang pinagtataguan ng ginamit sa krimen na kutsilyo na may habang 12 pulgada.
“With the help of the Lazo’s aunt, the suspect admitted his crime and also execute judicial confession during the investigation at the police station,” pahayag ni Adao.