Advertisers

Advertisers

MAGKAPATID NA VARGAS, PAKANA NG FAKE NEWS VS ROSE NONO-LIN!

0 470

Advertisers

UMALMA ang kampo ng Quezon City District 5 congressional candidate na si Rose Nono-Lin laban sa panggigipit umano ng katunggali nito sa puwesto na si Councilor PM Vargas, kapatid ng incumbent District 5 congressman na si Alfred Vargas, dahil sa paninirang-puri kaugnay ng patung-patong na kaso ng vote-buying na isinampa laban sa kanya.

Ipinrisinta ng abogado ni Lin na si Atty. Manuel Jeffrey David ang mga screenshot ng text messages at chat sa Facebook Messenger sa pagitan ng isang alyas Sabel o Sybhel, na iniuugnay ang kaniyang sarili bilang empleyado ni Cong. Alfred Vargas, at ng isang bayarang undercover staff o tinatawag nilang “espiya” habang pinagpaplanuhan kung paano kukuha ng mga litrato o video para palabasing may vote-buying sa mga programang isinasagawa ng kampo ni Lin.

Noong nakaraang linggo, ang “espiya” na kinilala bilang ang taong kausap ni alyas Sybhel sa text at chat ay dumulog nang sariling kusa at detalyadong isiniwalat sa mga abogado ni Lin kung paano siya nasangkot sa plano. Kusang loob na inihain ni Aiza Mojica Cabazares, isang residente ng QC District 5, ang kanyang sinumpaang salaysay na naglalaman ng lahat ng mga detalye sa kasong ito sa harap ng isang legal counsel. Ibinunyag nito kung paano niya nakilala si alyas Sybhel sa pamamagitan ng isang Kagawad Tony ng Brgy. Gulod at kung paano ito nauugnay sa mga Vargas bilang isa sa kanilang pinagkakatiwalaang tauhan. Ipinaliwanag rin niya kung ano ang kinalaman niya sa sabwatang ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng screenshots ng kanilang mga usapan.



Diin ni Cabazares, bagama’t alam niyang walang anumang uri ng vote-buying activity sa kampo ni Lin, kinausap umano siya ni alyas Sybhel na magtrabaho bilang isang “espiya” kapalit ng pagbabayad sa medical expenses ng kanyang buntis na anak at pagpiyansa sa kapatid niyang nakakulong.

Sa gitna ng pagdududa ni Cabazares, sinabihan siya ni alyas Sybhel na patuloy lang itanggi at huwag kumpirmahin ang anumang ugnayan nila sa mga Vargas. Sa mga sumunod na text message ay kitang-kita rin kung paano sinubukan ni alyas Sybhel na manipulahin sila sa pamamagitan ng regular na pagpapadala ng pera sa pamamagitan ng mobile wallet app na GCash.

Gayunpaman, ang tanging mga larawang nakuha ni Cabazares ay mula pa sa mga scholarship awarding mula kay Ms. Lin noong March 23, 2022 na ginagawa na ng huli bago pa man tumakbo para sa pagka-kongresista. Matapos ito ay nakatanggap na raw si Cabazares ng sunud-sunod na payout na nagkakahalagang mula P500 hanggang P3,000—apat na beses simula noong buwan ng Marso hanggang ika-7 ng Abril—para sa mga larawang ipinadala niya kay alyas Sybhel.

Sa mga sumunod na talata, isinalaysay ni Cabazares kung paanong hindi siya makapaniwala na ang mga larawang kuha niya ay napunta sa news reports na dahilan para magtalo sila ni alyas Sybhel.

Ayon kay Atty. David, “Kinukundena namin ang malisyosong pag-atake ng kampo ni Konsehal PM Vargas, partikular na ang patuloy na pagsasampa ng vote-buying charges laban sa aming kliyente… na hindi lamang sumisira sa kanyang reputasyon kundi nagdulot na rin ng matinding epekto sa kanyang pisikal at mental na kalusugan.”



Giit ni Atty. David, habang pilit nilang hinahadlangan ang mga atake at maruruming taktikang ito gaya ng paggamit sa mga grupo para magsampa ng kaso laban kay Lin at pagpapatakbo sa isang kandidatong may katulad na pangalan para sa parehong puwesto, patindi rin nang patindi ang paninirang ginagawa ng kampo ni PM Vargas kay Lin.

Dagdag pa nito, nakapagpasya na raw si Lin na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa mga Vargas at sa mga taong sangkot sa naturang black propaganda.

Patuloy lang din daw si Lin sa kanyang laban “nang may malinis na kunsensiya at tuwid na pagtingin sa layuning makapaglingkod sa mga mama-mayan ng District 5.”