Advertisers

Advertisers

DOH: 1,399 bagong kaso ng COVID-19 naitala mula Abril 25 hanggang Mayo 1

0 166

Advertisers

SINABI ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na nakapagtala pa sila ng 1,399 bagong kaso ng COVID-19 mula Abril 25 hanggang Mayo 1, 2022.

Sa weekly COVID-19 updates ng DOH, nabatid din na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 200, o mas mababa ng 5% kung ikukumpara sa mga kaso na naitala noong Abril 18 hanggang 24.

Ang mga bagong kaso naman anila ay pawang asymptomatic at mild cases lamang at walang may malubha at kritikal na karamdaman.



Samantala, mayroon namang naitalang 215 na pumanaw, kabilang ang 40 na naganap noong Abril 18 hanggang May 1.

“Noong ika-1 ng Mayo 2022, mayroong 723 na malubha at kritikal na pasyenteng naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19,” anang DOH.



Ulat pa ng ahensiya, sa 2,830 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19 ay nasa 456 (16.1%) ang okupado habang 16.3% naman ng 24,521 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

Sa kabilang dako, inianunsiyo ng DOH na mahigit na rin sa 67 mil-yong indibidwal o 75.45% ng target na populasyon, ang bakunado na laban sa COVID-19.



Nasa 13.2 milyong indibidwal naman anila ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

“Sa kabilang banda, 6.6 milyong senior citizens o 76.48% ng ating target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series,” anang DOH.

Kasabay nito, muli ring pinaalalahanan ng DOH ang mga mamamayan na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. (Andi Garcia)