Advertisers

Advertisers

Pahayag ng Pagsuporta ng Senate Minority kay Senador Dela Rosa at Panawagan Para sa Diyalogo at Due Process

0 21

Advertisers

Kaisa ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang Senate Minority sa pagtatanggol ng kaniyang karapatan para sa due process at sa kanyang panawagang masagot ang mga alegasyon laban sa kanya sa harap ng korte ng Pilipinas. Kinikilala ng grupo ang tungkulin ng pamahalaan na panatilihin ang kaayusan at ipatupad ang batas.

Gayunman, naniniwala kaming may paraan upang maresolba ang sitwasyong ito nang mapayapa, alinsunod sa batas at walang buhay na nalalagay sa kapahamakan.



Iginagalang namin ang mga tungkulin ng kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng hepe ng Philippine National Police (PNP). Kaisa nila kami sa hangaring matapos ang usaping ito sa paraang naaayon sa batas. Handa kaming makipagtulungan sa kinauukulan upang mapayapang makamit ang hangaring ito.

Nananawagan kami sa lahat ng sangkot — ang ehekutibo, mga tagapagpatupad ng batas, gayundin si Senador Dela Rosa at ang kanyang pamilya, mga abogado, at mga tagasuporta — na magpakita ng pagpipigil at manatilihing bukas sa pakikipagkomunikasyon.



Malugod naming tinatanggap ang pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na mas nais niyang idaan sa negosasyon ang usapin kaysa magsagawa ng operasyong maaaring humantong sa karahasan at pagkasawi ng mga Pilipino. Walang Pilipinong dapat mamatay para lamang mapatunayan ng sinuman ang kanyang punto.

Ipinahayag na noon ni Sen. Dela Rosa ang kanyang kahandaang harapin ang mga alegasyon at kasong maaaring isampa laban sa kanya sa mga korte ng Pilipinas. Nanawagan din siya ng mapayapang suporta. Para sa amin, ang kahandaang ito ni Sen. Dela Rosa ay nararapat ikonsidera ng pamahalaan na pagkakataon upang masimulan ang diyalogo.



Handa kaming tumulong sa pagbuo ng isang prosesong naaayon sa batas kung saan mabibigyan ng pagkakataong marinig ang lahat ng panig, isang prosesong patas para sa mga naghahanap ng hustisya at magbibigay-daan din para masagot ni Sen. Dela Rosa ang mga alegasyon at maipagtanggol ang kanyang sarili.

Naging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019. Ilang mga prominenteng bansa na rin ang umalis dito, gaya ng Estados Unidos, China, Russia, at India. Maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagpahayag na rin ng pagtutol sa pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) dahil sa usapin ng soberanya. Nilinaw rin ng administrasyon ang pagkakaiba ng pakikipagtulungan sa Interpol at sa ICC. Buong galang naming hinihiling na isaalang-alang ng ating gobyerno ang soberanya ng Pilipinas at ang mga karapatan ng ating mga mamamayan sa bawat desisyon nito.

Halimbawa, kung bibisita sa Maynila ang isang dayuhang pinuno na may arrest warrant mula sa ICC, gaya ni Russian President Vladimir Putin, inaasahan nating masusing susuriin ng mga awtoridad ang mga batas ng Pilipinas, mga obligasyong internasyonal, at mga kinakailangang proseso bago gumawa ng anumang hakbang. Bagama’t magkaiba ang mga legal na sitwasyon, nararapat ding bigyan ng katulad na pansin at pag-iingat ang mga karapatan ni Sen. Dela Rosa —  bilang isang Pilipinong nasa sarili niyang bansa.

Dahil dito, magalang naming hinihiling kay Pangulong Marcos at sa mga kinauukulang ahensya na makipag-ugnayan sa mga abogado ni Sen. Dela Rosa upang mapag-usapan ang isang mapayapa at legal na resolusyon. Kaisa niya kaming naninindigan bilang mga kasamahan niya sa Senado, at nananatiling handang tumulong na gumawa ng daan para sa nasabing diyalogo — tiwalang may kakayahan ang ating mga institusyon na pairalin ang batas, igalang ang kaniyang mga karapatan, at itaguyod ang hustisya nang gumagamit ng dahas o humahantong sa pagkawala ng buhay.