Advertisers

Advertisers

Iba’t ibang grupo inendorso si Robredo bilang Pangulo

0 351

Advertisers

NADISMAYA man sa pinakahuling Pulse Asia survey kung saan pumapangalawa pa rin si Vice President Leni Robredo sa anak ng diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., bumawi ang mga taga-suporta ni Robredo sa pamamagitan ng pag-anunsyo na siya ang kanilang pinipiling Pangulo sa darating na halalan sa Lunes, May 9.

Sa Cebu, 200 na pari, madre, at mga nagsisilbi sa Simbahang Katoliko ang nag-endorso kay Robredo at sa kanyang running-mate na si Senador Kiko Pangilinan.

Dumalo si Dr. Tricia Robredo, anak ng Bise Presidente, sa okasyon at pormal na binigay sa kanya ng grupo ang kanilang pahayag.



Naglabas din ng pahayag ang Protestant Church na suportado nila ang Leni-Kiko tandem.

Ayon sa Council of Bishops of the United Church of the Christ in the Philippines (UCCP), sina Robredo at Pangilinan ang pinakamahusay na dapat piliin para sa taumbayan.



Ang mga taga-ABS-CBN naman na nawalan ng trabaho dahil sa pagkawala ng prankisa ng network ay nagpahayag din ng kanilang suporta. Anila, sina Robredo at Pangilinan ay matapang na tumindig para huwag mawala ang prankisa.

“Mga Kapamilya, ito na ang pagkakataon para marinig ang boses natin. Ang laban na ito ay hindi laban para sa prangkisa. Ang laban na ito ay para sa mga nawalan. Ang laban na ito ay para sa bayan. Kapamilya man, kapuso, o kapatid, ipapanalo natin sa laban na ito,” ayon sa kanilang pahayag.



Pinirmahan ito ng ilang daang mga dating taga-ABS-CBN.

Ilang mga katutubo o indigenous peoples at mga Moro representatives ang nagpahayag ng kanilang suporta para kay Robredo. Sa isang press conference sa Quezon City kahapon, May 5, nagsagawa sila ng isang ritwal kung saan pinakita na sina Robredo at Pangilinan ang mananalo sa halalan.
Isang grupo rin ng halos 500 na board exam topnotchers ang nagpahayag na suportado nila si Robredo.

Sabi nila, pinipili nila si Robredo dahil sa kanyang tibay ng loob at pagsusumikap para magawa ang nararapat at magtagumpay para sa lahat.

Kahit sa Mindanao, sunod-sunod ang naging pagdeklara ng suporta para kay Robredo.

Iniwan ng Hukbong Federal sa Misamis Oriental, Rebolusyonaryong Alyansa Makabayan, at Guardian Brotherhood District 1 sa Region 10 sina Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Sara Duterte, para suportahan na si Robredo at Pangilinan.

Ayon sa kanila, nabasa at napag-aralan nila ang plataporma ni Robredo at tiwala sila na tunay na maglilingkod sa bayan si Robredo, at pangangalagaan ang kapakanan ng bawat Pilipino.

Nagpahayag din ng suporta kay Robredo ang mga artista tulad ng mag-asawang Dennis Trillo at Jennylyn Mercado at Shaina Magdayao. Nagpost din sa kanyang social media account si Anne Curtis, kung saan sinabi niyang nakakatuwa na kahit saan siya magpunta ay marami siyang nakikilalang maka-Leni Robredo.

Ngayon, May 6, sa Sorsogon, Albay, at Naga City mangangampanya si Robredo kung saan magkakaroon siya ng isang miting de avance kasama ang mga kapwa Bicolano.

Sa May 7, Sabado, ang kanyang miting de avance sa NCR na gaganapin sa Makati City. Inaasahan na higit sa kalahating milyon ang magpapakita ng kanilang suporta para kay Robredo sa grand people’s rally na ito.