Advertisers
SINABI ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes na tatanggap ng karagdagang honoraria ang mga gurong nag-overtime sa idinaos na eleksiyon sa bansa noong Lunes, Mayo 9.
Hindi pa naman tinukoy ng Comelec ang halaga ng honoraria ngunit siniguro ni Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco na ito’y kahalintulad ng honoraria na ipinamahagi noong 2019 polls.
“Sa ating mga bayaning guro at mga electoral boards, huwag kayong mag-alala. Hindi po ito first time na nagbigay ang Comelec ng additional honoraria, it’s not necessarily overtime pay,” ani Laudiangco sa isang pulong balitaan.
Aniya pa, “Ginawa na po natin ito noong 2019 para doon sa mga electoral boards na talagang nagsilbi ng higit sa oras para matapos. Sa atin pong electoral boards wag po kayo mag-alala, ipo-proseso po ito ng Comelec gaya din noong ginawa natin noong 2019.”
Sinabi rin ng poll official na sa ilalim ng batas, ang naturang honoraria ay dapat na maibigay sa loob ng 15-araw matapos ang halalan.
Tiniyak naman ni Laudiangco na maibibigay nila ang mga ito sa mga gurong nagsilbi bilang board of elections inspectors sa eleksiyon sa takdang panahon.
“Sisiguraduhin ng Comelec na mabibigay ito sa kanila within the timeframe allowed by law. Absolute po yan. Wala pong excuses at gagawin po namin ‘yan,” paniniguro pa niya. (Andi Garcia)