Advertisers
PORMAL nang iprinoklama bilang ika-17 na Pangulo ng Pilipinas si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. habang Pangalawang Pangulo naman si Sara Duterte-Carpio matapos ang isinagawang canvassing ng Kongreso nitong Miyerkules.
Dumalo sina Marcos at Duterte sa proklamasyon na isinagawa matapos na ideklara ng Senado at Kamara de Representantes ang kanilang panalo.
Dalawang araw lamang ang itinagal ng canvassing.
Na-canvass ng Kongreso ang 98.84% ng mga boto o 171 sa 173 certificates of canvass. Hindi naisama sa canvassing ang boto mula sa Syria at Buenos Aires dahil hindi dumating sa oras ang resulta nito sa Kongreso.
Sa manipestasyon ni House Senior Deputy Majority Leader at Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla sinabi nito na nagpadala ang Commission on Elections (Comelec) ng sertipikasyon kaugnay ng mga boto mula sa Syria at Buenos Aires.
“We are in receipt of a certification from Comelec dated 25th of May 2022 stating that there are two foreign service posts that conducted elections. The first post is Buenos Aires with countries of Argentina, Bolivia and Uruguay voting, and Damascus, Syria with Syria voting, and the number of registered voters is 515 and the number of votes cast is 129. But the results have not arrived,” ani Remulla.
Dahil hindi na makakaapekto ang mga nabanggit na boto sa resulta ng halalan ay nagdesisyon ang dalawang kapulungan na itigil na ang canvassing ng boto para sa pagkapangulo at pangalawang pangulo.
Nakakuha si Marcos ng 31,629,783 boto habang si Vice President Leni Robredo ay nakapagtala ng 15,035,773 boto.
Si Duterte-Carpio ay nakakuha naman ng 32,208,417 boto samantalang si Sen. Kiko Pangilinan ay nakakuha ng 9,329,207 boto. (Josephine Patricio)