Advertisers
Patay ang isang kasapi ng Philippine Army (PA) habang sugatan ang isa pa nang barilin ng kanilang opisyal dahil sa hindi pagkakaunawaan sa Camp Weene Martillana, San Jose, Pili, Camarines Sur nitong Sabado.
Kinilala ang nasawi na si PA Major Garry Masedman; habang sugatan si Sgt. Manuel Colico Jr.
Natagpuan naman naliligo sa loob ng kanyang apartment na sinasabing nagbaril sa sarili ang salarin na si Army Capt. Martin Anosa Jr., Admin Officer at pawang mga nakadestino sa 5th Finance Service Field Office Finance Center Phil. Army.
Sa report ng PA 9th Infantry Division, 1:30 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa loob ng kampo sa nabanggit na lugar.
Ayon sa ulat, bago ang krimen sinabi ni LtCol. Van Kristoffer Sumbeling, Co, PA, nasa gitna ng meeting ang mga biktima at salarin sa loob ng nasabing kampo ng magkaroon ng hindi pagkakaunawaan.
Dahil dito, lumabas siya sa saglit ng quarters subali’t sa kanyang pagbalik nakita na lamang niya ang mga biktima na duguan at may tama ng baril sa katawan.
Agad naman dinala ng kanilang mga kasamahan ang mga biktima sa Mother Seton Hospital subali’t dineklara na rin patay si Masedman ng umatending doktor .
Tinungo naman ang apartment ni Anosa subali’t bumulaga sa kanilang harapan na naliligo na ito sa sariling dugo at wala na rin buhay nang magbaril sa sarili.
Sa ngayon nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Philippine Army para alamin ang tunay na motibo sa krimen. (Mark Obleada)