Advertisers
MAGANDA ang estado ng mga Government Financial Institutions (GFIs) kung pag-uusapan ang kaperahan nito sa kasalukuyan. May ilang nangangailangan ng ayuda ng pamahalaan subalit hindi maitatatwa na mahaba ang pisi nito kung pangangailangan pamprograma ang pag-uusapan. Subalit iba ang usapin kung ang pag-uusapan ang sahod ng mga kawani na nakikipaghatakan sa taas ng halaga ng mga bilihin. Tila sagad ito o walang natitira sa sahod ng mga rank-and-file sa dami ng utang ng mga ito sa iba’t – ibang institusyon upang maiabot sa anak na pambayad sa tuition fee.
At ang konsuelong tinatangap ang dagdag na bonus na ibinibigay ng korporasyon na madalas pang napupuna ng Commission on Audit (COA). Habang ang mga opisyal ng mga ito’y namumuhay na parang kanilang pag-aari ang institusyon. Walang habas kung gumastos sa ngalan ng Institutional Meeting Expense (IME) at Extra Miscellaneous Expense (EME) na ibinibigay sa mga opisyal ng GFIs. Minsan, kahit ang gastos ng pamilya’y charge din sa korporasyon basta’t may Official Receipt.
Sa likod ng magarbong kabuhayan ng mga opisyal ng mga GFI, masasabing hindi nagpabaya ang mga ito sa pagtimon sa mga korporasyon at nagawang paunlarin at palakihin ang mga assets o pag-aari ng GFI. At ang magarbong kompensasyon ay masasabing tama dahil hindi nagpabaya ang mga ito sa tungkulin na mapaunlad at mapatatag ang pag-aari ng pamahalaan. Kahit madalas na lumilihis sa mandato ng institusyon, lalo sa pagtulong sa mga taong dapat makatanggap ng serbisyo nito. Sa totoo lang, madalas magbalik ang mga GFIs ng kita nito sa National Treasury na palatandaan ng mahusay na pagtimon dito.
Sa pagpasok ng pamahalaan ni Boy Pektus, may pangamba ang marami na gawing palabigasan o gatasan ang mga GFIs para sa luho ng bagong pamahalaan lalo ang mga bangko na parang sariling institusyon. Ito’y karanasan ng isang dating bangko ng pamahalaan na parang nakasandal ka sa pader, subalit sa dulo ng pader napunta sa isang kroni na ginamit na taga pagtago ng yaman ng namayapang politiko. At dahil walang dokumentong magpapatunay sa hinahabol na salaping bayan, hayun nakawala na lang ito sa kamay ni Mang Juan. Sa galing ng kroning napagbilinan ng yaman at mahusay sa palusuTan hayun naidagdag sa sariling yaman, hehehehe.
Ang kalakarang ito’y naganap sa nakaraan na tunay na nakakabahala lalo’t sa aga ng kapapasok na pamahalaan kinakitaan na ito ng pagkahilig sa mga magagarbong pagdiriwang na kahit ilang araw pa lang sa pagkaka-upo sa pwesto’y nariyan na magarbong piging para sa kaarawan ng ina ni Boy Pektus. Hindi minamali ang piging ngunit ang ganapin ito sa loob ng Balite ng Malacanan at makikita ang rangya nito sa media’y tila mapait sa panlasa ng mga Pinoy na humaharap sa krisis sa buhay. At ang masaklap nito, namataan pa ang ilang dating malalapit sa dating pamahalaan ng ama na batid na may mga interes sa mga korporasyon ng pamahalaan. Bukod dito, nasa piging din ba ang mga maaaring umupo sa mga korporasyon ng gobyerno, nagtatanong lang po.
Sa pagpasok ng bagong kongreso nais imungkahi ng Batingaw na maging ang mga puno ng mga korporasyon ng pamahalaa’y padaanin sa pagsusuri ng Commission on Appointment. Mainam na masuri ito o dumaan din sa pagkilatis ng kasapian ng CA upang mabatid ang kakayahan ng mga itatalaga sa mga korporasyong ito. Ang masuri ang mga kakayahan ng mga ito’y isang malaking bagay lalo’t kaperahan ang pinaguusapan. Sa pagtiyak sa kagalingan ng itatalaga sa mga korporasyong ito, masisiguro ni Mang Juan na nasa mabuti siyang kamay.
At ang pag sandal sa pader ay may katiyakan na propesyonal ang naitalaga. At kung pansarili lang ang layon, tiyak na hindi ito magigitla lalo’t tunay na may basbas ni BP. At ang mandatong ipatutupad eh kung ano ang sabihin ng nakaupo sa puno ng Balite ng Malacanan, ang siyang gagawin tamaan man ng kidlat. At kung hindi lilihis sa kaibigan ng nagtalaga malamang ang hayahay na buhay ang sa kinabukasan. At kung lilihis at ibig mapabuti ang naupuang korporasyon hayaan mo ang COA ang umaksyon, nariyan ang tserman, na de Calidad sa gusto ni Boy Pektus.
Sa pinakitang kilos ni Boy Pektus ng mga nakaraang araw, hindi malayo na ang unang piging na naganap sa loob ng Balite ng Malacanan ay maulit, at sa pagkakataong darating may mga sipsip na maaaring kumilos at umangkin ng gastusin, siyempre may kapalit. Pangalawa, tila hindi natuto sa nakaraan ang pamilya ni BP at sa aga sa pwesto kita na ang karakas diablo. At sa likod ng tagumpay, hindi kaya nitong magpakumbaba. Ang dinanas na dusa’y kagyat na nalimot at nagbalik sa dating gawi na parang hari at reyna na ang gawi. Ang pinakitang magarbong piging para sa mga dati at bagong kaibigan ay nagpapatunay na hindi maiwaksi ang nakaraan dahil ito ang nakasanayan.
Sa hanay ng mga bagong mapipiling tatao sa korporasyon ng gobyerno, nariyan ang pagkakataon magsilbi sa bayan ng may integridad at katapatan. Ang pagkakatalaga sa pwesto’y huwag ituring na utang na loob sa nagtalaga sa halip ituring ninyo ang bayan ang nagbigay sa inyo ng pagkakataon na pagsilbihan sila. Huwag ilayo ang sarili sa tunay na layunin na kabutihan para sa lahat at ‘di lang sa sarili’t institusyon pinasukan. Ipakita na hindi na muling magaganap ang pagtataksil sa bayan para sa kapakanan ng iilan. Tumayo sa tama at kasama mo ang bayan. Maging halimbawa kayo sa kabataan para sa kinabukasan, walang hindi mangyari kung tatayo kayo sa tama. Ang anim na taon na pagseserbisyo’y maaaring magpaalwan ng inyong kabuhayan kung sasama kayo sa mga tiwali ng bayan. Ngunit hindi kayang pigilan na ang muling aagos ang pagdurugo ng mga kaban ng mga korporasyon sa kanal patungo sa Balite ng Malacanan na nakasulat ang inyong mga pangalan. Subalit ang parangal ng bayan sa mabuting opisyal / kawani ng baya’y ang tunay at walang kabayaran.. Huwag hayaan na manumbalik ang kalakaran sa mga korporasyon ng pamahalaan na gatasan ng mga nakaupo sa trono ang mga korporasyon ng gobyerno.
Sa maitatalaga, pairalin ang prospesyunalismo’t dignidad ng pagkatao. Huwag ipagpalit ito dahil sa pwesto’ yaman na di naman sa inyo. Mabigat ang pasanin subalit ang maging mabuti sa paglilingkod ang magpapagaan ng pasanin. Huwag kalimutan na una ang bayan bago ang sarili. Hindi maramot ang bayan sa nagmamahal dito. … Maraming Salamat po!!!