Advertisers

Advertisers

BATANGAS, QUEZON, SENTRO NG SMUGGLING AT “PAIHI”!

0 737

Advertisers

LUGMOK ang ekonomiya ng bansa dulot ng mahigit sa dalawang taong COVID 19 pandaigdigang pandemya na kumitil ng milyon-milyong mamamayan.

Kaya naman nagtakda ang pamahalaan ng mahigpit na health protocol at sumailalim ang mga mamamayan sa mahigpit na restriksyon na mga patakaran para maiwasan ang pagkalat ng nasabing virus.

Ang dagok ng nasabing pandemya ay nagresulta sa pagkalugmok ng industriya at naghatid ng matinding kahirapan sa ating bansa.



Nadagdagan pa ang hirap sa mga Pinoy nang tumaas ang presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado ugat ng digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Lalong pinalala ng oil price hike sa bansa ng operasyon ng sindikatong sangkot sa smuggling at petroleum pilferage sa ibat-ibang bahagi ng Luzon ang pagbulusok ng ating ekonomiya.



Ang sentro ng smuggling at pilferage ring ay matatagpuan sa mga lalawigan ng Batangas at Quezon.

Ang iba pang lalawigan kung saan ay nag-ooperate din ang mga magbuburiki, paihi, at pasingaw ay sa Bulacan, Pampanga at Bataan.



Putok ang mga pangalan ng Intsik na si alias Mario, isang alias Dondon at isang alias Attorney sa smuggling operation na ginagamit na unloading point ang Batangas City Pier at mga kanugnog na pantalan sa 2nd District ng lalawigan ng Batangas.

Mga ocean-going na barko ang lingguhang parang ligal na nagdidiskarga ng mga smuggled na krudo, gasolina at iba pang uri ng petroleum product sa Batangas City Port, bagama’t nasa “tungki lamang ito ng ilong” ng mga opisyales at tauhan ng Philippine Coastguard (PCG), PNP Maritime Command (PNP-MARICOM), Philippine Navy (PN) at Philippine Port Authority (PPA) at iba pang awtoridad.

Nagmumula sa mga bansang Russia, Malaysia at Middle East ang petro product na ipinupuslit sa mga pantalan ng Batangas City at mga kabugnbog na port of Bauan at Mabini.

Kapag ganitong kalawak at koneksyon ng mga kontrabandista ng produktong petrolyo sa mga pantalan ng Batangas, ay sino pa kaya ang makapipigil sa kanila?

Nag-ooperate naman ang burikian, paihian at pasingawan sa loob ng garahe ng ALS Terminal sa Diversion Road, Batangas City na di naman kalayuan sa headquarter ng Batangas City Police Office.

Palihim na pinapapasok sa garage compund ng ilang kakutsabang security guard ang mga tanker at capsule truck ng mga magnanakaw na tsuper na naglululan ng petroleum at liquefied petroleum gas (LPG) at doon ay binabawasan ang kanilang kargamento.

Wala namang kamalay-malay ang management ng ALS sa modus operandi ng kanilang ilang mga bantay-salakay.

Ang isa pang santuaryo ng buriki, paawas at pasingaw ng petroleum at LPG product ay matatagpuan sa Brgy. Banay-Banay II sa loob ng tanker at capsule truck garage ng isang trucking firm na inooperate at pagmamay-ari ng isang alias Benjie.

Hindi talaga mapipigil ang iligal na operasyon ni alias Benjie pagkat siya mismo ang utak sa ginagawang pagdarambong ng kanyang mga tanker at capsule truck driver.

Sa utos mismo ni alias Benjie ay pinalilitaw ng kanyang mga kakutsabang tsuper na nagkakaaberya ang kanilang mga truck at capsule hauler para maipasok sa kanilang garahe “for repair” kaya doon ay malayang nababawasan ng mga ito ang kanilang kargamento.

Walang kaduda-duda ang mga negosyanteng kliyente na sila ay napagnakawan na nina alias Benjie pagkat hinahaluan ng gas ang krudo at gasolina para magmukhang kumpleto pa rin ang kantidad ng kargamento.

Ating aalamin kung totoo ang ulat na may lingguhang tara sa paihi operator ang ilang opisyales ng San Jose Municipal Police Office?

Sa lalawigan ng Quezon ay nasa Brgy. Talim, Eco Road, Lucena City ang burikian ni Bobby samantalang nasa Brgy. Lalig sa bayan ng Tiaong ang paburiki, paihi at pasingawan ni Bong.

Ang siste isang alias Idolog, Tata Boy at Harry ang lingguhang nangongolekta ng tong, lagay, suhol o intelhencia sa mga operator ng naturang pailigal. Ginagasgas ng tatlong kolektor ang pangalan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Office.

Tiyak na malilintikan ang ilang opisyales ng CIDG CALABARZON kapag nakarating ang mga kabalbalang ito kay CIDG Director, PMaj.Gen. Eliseo DC Cruz.

Hindi na tayo nagtataka sa umuugong na balitang naghahatag ang mga kapitalista ng smuggler at operator ng paihian, pasingawan at burikian sa ilang mga hepe at matataas na opisyales ng kapulisan sa Batangas at Quezon Province.

Malabong malipol ang mga petro smuggler at pilferage maintainer kung hindi malilinis ni PNP Region 4A Director PBG Antonio Yarra ang kanyang hanay.

***

Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.