Advertisers
Bangkay na nang mahukay ang isang nawawalang ginang sa loteng pagmamay-ari nila ng kaniyang asawang Amerikano sa Valencia, Negros Oriental.
Kinilala ang biktima na si Maribel Glazier, na Hulyo 16 pa nawawala.
Sa report, ikinokonsidera na ng pulisya na ‘Person of interest’ sa krimen ang Amerikanong mister.
Lumabas sa imbestigasyon na laging nag-aaway ang biktima at ang asawa nitong si Daniel Lawrence Glazier, dahil sa pambababae ng mister.
Nagsabi na umano ang biktima sa kaniyang mga kaibigan na kung may mangyari man sa kaniya, walang ibang sisisihin kundi ang kaniyang asawa.
Hiniling din ng ginang sa mga kaibigan na kunin ang dalawa niyang anak na babae mula sa dayuhan.
Sa ulat, sinabing unang napaulat na nawawala sa Dumaguete City ang 32 anyos na biktima, hanggang sa natagpuan ito sa bayan ng Valencia nitong Martes.
Base sa salaysay ng isang saksi, nakita niya si Glazier at isang babae na may pinagtulungang buhatin papasok sa property.
Kasalukuyang nawawala ang dayuhan at patuloy na tinutugis.
Hinahanda na ang reklamong murder laban sa dayuhan at petisyon para sa writ of habeas corpus ng mga kaanak ng biktima para mabawi ang mga anak nito sa poder ng ama.