Advertisers
Arestado ang isang Mayor nang mahulihan ng ‘di lisensiyadong baril sa isang bar sa isla ng Boracay nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang naaresto na si San Jose Mayor Egdon Sombilon ng San Jose, Romblon.
Sa ulat, pumasok sa bar ang alkalde at nang kapkapan nakuha sa posesyon nito ang isang baril. Nang suriin ng Malay Police ang baril, natuklasan na nag-expire na ang license to own and possess firearms (LTOPF) nito.
Ayon kay Police Lt. Col. Don Dicsie De Dios, hepe ng Malay Police, mayroong permit to carry at registration of firearms ang alkalde pero expired ang lisensya nito.
Sinampahan ng kasong illegal possession of firearms si Mayor Sombilon ng Malay Police.
Kaagad naman nakalabas sa kulungan si Sombilon nang makapagpiyansa sa kasong isinampa sa kanya.
Paalala ni De Dios sa mga bumibisita sa mga bars at restaurants sa isla ng Boracay na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdala sa loob ng anumang klase ng baril kahit pa kumpleto sa dokumento.