Advertisers
HINIHILING ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga mambabatas na suportahan sila sa planong pagpapatayo ng sariling gusali.
Sa pagtalakay ng House Committee on Appropriations sa P5.22 billion 2023 proposed budget ng poll body, umapela si COMELEC Chairman George Garcia sa mga mambabatas na tulungan silang maisakatuparan ang matagal nang pangarap na magkaroon ng sariling gusali..
Sabi ni Garcia, kada taon, inaabot ang renta nila sa mga gusali at open space sa Palacio del Gobernador ng hanggang P159 million, hindi pa kasama rito ang renta sa mga lugar para sa kanilang special events tulad ng filing ng certificates of canvass at pagbibilang ng boto.
Aniya pa, kung ang ibang constitutional bodies tulad ng Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC), maging Commission on Human Rights (CHR ay may sariling mga opisina, marapat lamang na ang COMELEC ay mayroon din.
Tinukoy din ni Garcia na mayroong halos tatlong ektaryang lupa ang COMELEC sa bahagi ng Macapagal Avenue at dito nila target ipatayo ang kanilang magiging opisina.
Batay sa 2023 NEP, P500 million ang inilaan bilang inisyal na pondo mula sa kabuuang P9.5 billion na gagamitin pampatayo sa gusali ng COMELEC. (Mula sa Radyo Pilipinas)