Advertisers
ITINANGGI ng isang opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang pag-aresto kay dating Manila Congressman Harry Angping dahil sa umano’y ‘sexual harassment’ sa isang hotel staff ng Marriott Marquis Queens Hotel sa Bangkok, Thailand.
Si Harry ay mister ni Presidential Management Staff (PMS) Secretary Zenaida Angping.
Sinabing naka-book sina Pangulong Ferdinand Marcos at ilang miyembro ng delegasyon sa 5-star hotel para sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Summit mula Nobyembre 16 hanggang 19.
Ayon sa tugon sa mga tanong ng media sa diumano’y pag-aresto kay Harry, sinabi ng isang opisyal ng PCOO na “nega” ang balitang ito.
Ang dating mambabatas ay miyembro ng Nacionalista Party at kinatawan ng Maynila sa Kamara mula 1998 – 2004.
Nagsilbi rin si Harry na tagapangulo ng Philippine Sports Commission mula 2009 – 2010.
Dati nang pinagbawalan si Harry na umalis ng bansa nang kasuhan ng ‘graft’ dahil sa umano’y pagkuha ng 71 janitors at 9 hardinero nang walang public bidding bilang “boss” ng PSC noong 2009.
Pinawalang-sala si Harry ng Sandiganbayan at ang kanyang hold departure order ay inalis noong 2018.