Advertisers

Advertisers

Tauhan ng BI sangkot sa kaso ng Japanese fugitives, tukoy na

0 146

Advertisers

May lead na si Justice Secretary Crispin Remulla kung sinu-sinong mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nakasabwat ng mga puganteng Hapon sa pagpasok ng cellphones habang nasa BI Detention Facility sa Taguig City.

Ayon kay Remulla, aaksyunan ng Dept. of Justice (DOJ) ang naturang BI personnel sa oras na maipa-deport na sa Japan ang apat na Japanese fugitives na idinadawit sa mga serye ng mga robbery doon.

Sa impormasyon na binahagi ng Japanese authorities, si Yuki Watanabe alyas Luffy ang utak ng nakawan na siyang nag-uutos sa pamamagitan ng encrypted messaging app mula sa BI Detention Facility sa Taguig.



Nadakip si Watanabe noong 2021 ng mga tauhan ng NBI sa Parañaque City dahil sa sinasabing pag-o-operate ng online fraud syndicate at extortion activities sa bansa.

Nilinaw naman ng kalihim na ang Japanese authorities ang tanging makapagkukumpirma kung si Watanabe nga ba ang sinasabing alyas Luffy na pinuno ng mga serye ng nakawan sa Japan.



Tumanggi naman ang kalihim na sabihin kung may mataas na opisyal na sangkot sa pagpupuslit ng mobile phones at iba pang-gadgets sa BI detention center.

Sinabi ni Remulla na papatawan ng karampatang parusa ang mga BI personnel kapag mapatunayan na pinayagan ng mga ito ang mga dayuhan na gumamit ng cellphones habang nakapiit sa detention facility.



Aniya, hindi pamamarisan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga nasabing gawain na isang uri ng katiwalian dahil ipinagbabawal ang paggamit ng communication devices sa BI detention facility.

Siniguro naman ni Remulla na mamadaliin nila ang pagdinig sa mga nakabinbing kaso laban kina Watanabe at sa mga kasamahan nito para agad silang maipa-deport.

Ayon pa kay Remulla, na hindi maaaring maipatapon ang mga dayuhan pabalik ng Japan kapag may pending na kriminal na kaso sa Pilipinas.