Advertisers

Advertisers

KAWAWANG INANG BAYAN

0 8,824

Advertisers

MAHIRAP makasumpong ang bayan ng lider na may pagtingin sa kapakanan ng bansa at ‘di pansarili. Sa mga labanan may mga bayaning lumitaw upang magsulong ng kagalingan ng bayan, ngunit hindi pinapalad na tumatagal. Nariyan na nasawi sa labanan o ang kasama ang humahadlang upang ang pamumuno na may kagalingan ng nakararami. Hindi mabilangan sa daliri ang lider o bayaning may pagmamalasakit sa nakararami, ngunit marami ang nasawi.
Karaniwan kapwa Pinoy ang hindi nais na mamuno ang kapwa Pinoy sa ‘di malinaw na kadahilanan. O’ tunay na may kaisipang talangka ang nasa baba ang humahatak sa kapwa na makakawala. Ang pag-unlad na para sa lahat ay tila walang puwang sa maraming Kababayan natin lalo’t nasa hanay nila magmumula ang gagawa. At sa totoo lang, tila mas ibig ang buktot o bugok na namamahala sa halip na lider na ibig itaas ang kalidad ng buhay ng mamamayan. Nariyan na mas ibig ang mga artista, komedyante, magnanakaw, mapanira ng kalikasan, mapanlilo, makasarili, maging ang berdugong kumikitil ng buhay ng mga inosente. Ang ibig ng Pinoy ang lider na nagdudulot ng panandaliang aliw, ang mapatawa, ng gwapo o maganda ang itsura sa halip na solusyon sa matagal ng usaping buhay.

Lumipas ang maraming taon, sadyang ‘di mapalad ang bansa lalo’t sa uri ng mga punong bayan. Marami sa nakaupo ang walang malasakit sa kapwa at ibinaon ang Pinoy sa ‘di maipaliwanag na utang. Utang na ‘di masabi ang pinaggamitan. Masaklap ang buhay ng mga Pinoy ngunit hindi ang buhay at kabuhayan ng mga nailuklok sa mga liderato, may opisyal-pasyal pa. Ginawang gatasan ang kabang bayan sa pansariling layaw tulad ng mga piging na gamit ang perang bayan. Walang pag-iimbot kung magpakita ng kagalingan kay Mang Juan, ngunit ang tunay na gawa’y ipasa ang anumang usaping gastusin sa lukbutan ng bayan. Hindi kumikibo si Mang Juan o dahil nakatago ang pasanin sa mga serbisyo o proyekto na ang tunay na pakinabang ay sa negosyo na pinatatakbo ng mga halal na opisyal. Buti na lang ‘di tumabo ang OL Talong Voters..

Sa totoo lang, ayaw bigyan ng puwang ng mga nasa pwesto na maging lider ng bayan ang tulad ni Mang Juan o Aling Leni. Hindi nila ito kauri o hindi kahanay sa sistemang bulok ng nakaraan. Hindi binigyan pagkakataon na masaling ang pwesto dahil mabubuko ang kanilang gawa. Dahil kung makita, malalaman ng bayan ang gawang ‘di matuwid na gigising sa bayan upang sila’y itakwil. At kung magkagayon, lalaki ang gastos sa mga susunod na mga halalan. Ang iiwas ang liderato sa mga hindi kakampi ang pangunahing layunin. Kung nais na makasama sa kampon ng sakim, ang mag-aral at maging kasangkapan sa mga gawaing pansarili’y maaaring daan para mapabilang sa kulto ng kasamaan. May pagkakataon na nagugustuhan ang gawa lalo’t malaki ang pakinabang sa hinaharap.



Sa katotohanan, nasa kamay ng nakararami ang kapangyarihan upang baguhin ang kapalaran ng bayan. Ang lider ng baya’y isa lamang na binasbasan na pangunahan ang bayan kung saan patungo ang nais na pagbabago. Pagbabago na may pakinabang ang lahat at ‘di sa iilan. Sa pagluklok, mapapansin na ‘di napag-iisipan o di sinusuri ang kagalingan maging ang karakter ng mga lider na ibig na mamuno sa bayan. Mahalaga ang pansamantalang kapakinabangan sa halip na pag-isipan ang pangmatagalang kagalingan. O’ nadadala sa mga pangakong hungkag at salitang nakakakilig sa maraming ‘di mapagsuri. Maraming dekada na ang lumipas at pare-pareho ang kalidad ng mga nailuklok sa liderato, una ang sarili huli ang bayan.

Sa pagtakbo ng panahon, nagbago ang panahon ngunit hindi ang mga Pilipino higit sa pinipiling lider na tatao sa pamahalaan. Nariyan ang mga lider na nakagisnan at kung nagbago, mga anak o kamag-anak na iisa ang ngalan.May mga bago ngunit kasama sa mga nagtakwil at nagpahirap sa nakararami sa nakaraan. Sa mga bagong ngalan lalo sa pambansang liderato, ito ang mga taong kinasangkapan ng unang mga lider upang mapanatili ang nakaw na yaman galing sa bayan. Sa pag-salin ng pwesto, nakatitiyak na mananatili ang nakulimbat na yaman dahil batid ang katapatan maging ang utang na loob sa lider na puhunan upang makaupo sa pwestong dating tangan. At sa pagbaba, makakatiyak na may panahon sa pagbabalik at muling pagyabong ng ngalan at yaman.



Sa katangian ng kasalukuyan mga lider ng bayan, nakabalik ang mga pamilya kilala sa pandarambong. Nariyan na inakyat muli ang Balite sa Malacanan na nagmamalaki na malayo ang agwat ng pagkakapanalo sa malayong pangalawa. Sa pagbabalik hindi makitaan ng mahusay na liderato ang bansa lalo sa punto ng kabuhayan o ekonomiya. Sa pagbabalik mapapansin maging sa kapulungan ng dalawang kongreso, muling nakabalik ang anak ng mandurugas na minsang nanirahan sa Balite ng Malacanan. At ngayo’y nagpapakita kuno ng gilas sa mga karaingan ng maliliit. Ang tanong tunay ba ito o 295?

Sa kasapian ng liderato nariyan ang mga dating senador na kahit walang batas na nagawa’y patuloy na nakaupo at sinamahan pa ng hambog na labuyo ang pag-aari. Nariyan ang anak, kapatid, kaibigan na ang katangian sa liderato’y ang lapit sa dating lider at dami ng salaping nakurakot na pantustos at pambulag sa mga bobotante. Hindi usapin ang bayaran sa mga humawak ng bilangan na nagsiguro o nagtiyak sa pwestong tangan. At sa pag-upo batid ni Mang Juan ang mga gagawin ng mga ito, ang mapanatili ang kasalukuyang kaayusan. Sarili ang una at ‘di ang bayan.



Malinaw na ang kaayusan ngayon sa liderato ng bansa’y ‘di magbabago sa loob ng ilang panahon hangga’t hindi natututo ang mga manghahalal na kumikilala sa kinang ng salapi sa panahon ng halalan. Hindi magbabago dahil ang panandaliang kailangan ang itinataya para sa pangmatagalan. Hilahod na si Mang Juan sa hirap ng buhay na itinatarakan ng mga manghahalal na nakararami ngunit walang pagsisisi sa mga naganap. Nariyan na kahit taob na ang kabuhayan tinatayuan pa ang kamalian sa nakaraan. Sa kawalan ng pag-iisip sa mga kaganapan, tanggap na kahit papikit ang mga nagaganap huwag lang masabing mali ang nagawa sa nakaraan.

Nakapanlulumo ang sitwasyon sa ngayon, gamit ang karangyaan sa nakaw na yaman na mula sa bayan ang nabubulag ng mga may tangan ng kapangyarihan. Hindi namumulat ang maraming Pinoy lalo ang mga hindi nag-iisip higit ang mga nasa laylayan para sa kapakanang Pambansa o sadyang ang pagiging palaasa ang kabuhayan. Walang pagsisisi sa nakaraan para sa kasalukuyan at sa kinabukasan kahit pasan na ang bigat ng pagkakamali sa maling napili. Ang masakit, ang angking yaman pangkalikasan ng bayan ay binabalahura ng nasa kapangyarihan. Tunay na kawawa ang bayan sa uri ng manghahalal na umaasa sa mga lider na kawatan. Silipin ang nasisirang kapaligiran maging ang pasaning bayarin kahit ng ‘di pa naisisilang. Huwag manatiling kawawa si Mang Juan higit ang bayan, magbago at baguhin ang takbo ng kapalaran para sa susunod na salinlahi.

Maraming Salamat po!!!