Advertisers
Nangyari na ang matagal nang hinihintay ng marami. Ito ang maipagpalit na si Russell Westbrook ng Lakers sa ibang player sa ibang koponan. Talagang hindi bagay ang may jersey #0 sa team ni Coach Darvin Ham. Ginawa na nga siyang 6th man nguni’t tila ang bigat pa rin bitbitin dahil sa kanyang $47M na sahod. Kailangan pa ng 3-team trade at isang 1st rounder sa 2027 para ito maganap.
Tapos na ang panahon ni Russell W sa prangkisa ng mga Buss. Nguni’t ang ipinalit naman ay isa pang Russell. Si D ‘Angelo Russell naman na dati ng nagdribol para sa purple at gold.
Sa pagbabagong bihis ng squad ay natanggal din ang ka-apelyido ni Kobe na si Thomas Bryant. Di bale katunog naman ng Black Mamba si Mo Bamba, ang naging kahalili na back-up center ni Anthony Davis.
Olat naman sina LeBron James sa game nila kung saan naungusan niya si Kareem Abdul Jabbar sa all time list ng most points scored ng isang player sa regular season. Nabura nito ang 38-year old record ng 7-footer na dating kilala bilang si Lew Alcindor.
Eka ni Ka Berong ay hindi na raw niya marahil aabutan ang sisira sa pambihirang achievement na ito ni King James.
Ang tanong naman ni Mang Tomas ay kung instant contender na ba sina James sa mga palitan na nagawa si Rob Pelinka at ang pag-break ng scoring recprd. Ang sigurado ay lumakas sila on paper pero kung mag-klik sa mga natitirang laro ay malaki pa ring palaisipan. Sabi nga ni Tata Selo ay nagampanan na ng GM ang trabaho niya at oras na ng coaching staff upang ipakita ang kanilang husay.
***
Dapat banggitin din daw natin dito ang pambansang koponan na tinaguriang Dirty Dozen. Sila ang nagkampeon nong 1967 ABC sa Seoul, Korea. Dinaig ng mga Pinoy ang mga Koreano sa score na 83-80 sa harap ng isang partisan crowd.
Ang mga nagsuot ng national jersey ay sina Narciso Bernardo, Adriano Papa, Danilo Florencio, Alberto Reynoso, Orlando Bauzon, Robert Jaworski, Rogelio Melencio, Joaquin Rojas, Edgardo Roque, Edgardo Ocampo, Jaime Mariano at Renato Reyes. Captain ball nila si Reynoso at mentor ay si Caloy Loyzaga.
Hango ang bansag sa kanila mula sa isang pelikula na may gaanong pamagat hinggil sa World War II at ipinalabas sa taon na nanalo sila.