Advertisers
BIGLANG nagkasakit si PhilHealth Pesident Ricardo Morales habang nasa kainitan ng Senate inquiry sa P15-billion anomaly sa kanyang tanggapan.
Oo! Nag-abiso si Morales sa Senado na sasailalim siya sa chemotheraphy dahil sa lymphoma, isang kanser na nagsimula sa infection-fighting cells ng immune system na kung tawagin ay lymphocytes. Ang cells ay nasa lymph nodes, spleen, thymus, bone marrow, at iba pang parte ng katawan.
Kapag ikaw ay may lymphoma, ang lymphocytes ay nagbabago at lumalaki ng out of control. Nakakatakot ang sakit na ito. Pahihirapan ka nito bago mag-goodbye sa mundo.
Saad ni Morales sa kanyang sulat sa Senado, pinagpa-pahinga siya ng kanyang duktor. Bawal na sa kanya ang ma-stress…
Kung totoo man ang biglang sulpot na karamdamang ito ni Morales, wish natin ang kanyang paggaling kaagad para maharap at maipaliwanag niya ang mga inaakusang “pandemya ng katiwalian” sa PhilHealth.
Hindi na bago sa atin ang mga ganitong “palusot” ng mga opisyal na iniimbestigahan sa pangungulimbat.
Remember ex-President Gloria Macapagal-Arroyo nung iniimbestigahan siya sa mga katiwalian pagkatapos ng kanyang termino?
Samu’t saring sakit ang dumapo noon kay GMA kaya panay delay ang mga pagdinig sa kanyang kaso. Naka-wheelchair at may brace sa leeg pag humarap siya sa korte.
Pero nang maupo si Pangulong Rody Duterte at mapalaya si GMA, biglang lakas ang huli, nawala ang mga karamdaman at nakabalik pa sa politika.
Si late Chief Justice Renato Corona nang pinai-impeach ni noo’y President Noynoy Aquino ay bigla ring nagkasakit nang humarap sa Senate Impeachment Court, naka-wheelchair din ito. Pero ‘di umobra sa lupet ng mga Senador.
Si dating Senate President Juan Ponce Enrile nang makulong sa P10-billion pork barrel fund scam masterminded by Janet Lim-Napoles ay idinahilan din ang kanyang kalusu-gan at edad kaya pinayagang magpiyansa ng graft court. Pero nang nasa laya na, tigasin naman pala!
Kaya itong “sakit” na rason ni Morales ay hindi na bago sa atin. Palusot nalang ito para makaiwas sa paggisa sa kanya ng Kongreso. Mismo!
***
Inatasan ni Pangulong Duterte ang Department of Justice (DoJ) na bumuo ng special task force na mag-iimbestiga sa pandemya ng katiwalian sa PhilHealth.
Ito’y bunga narin ng lumalakas na panawagan na im-bestigahan at ipakulong ang mga sangkot sa P15-B anomaly sa PhilHealth, na sinasabing bangkarote na at hanggang 2021 nalang ang pondo. Burado na ito sa 2022.
Ang PhilHealth ay may P71 billion subsidy yearly sa gobyerno, bukod sa kontribusyon ng 82 million members, sabi ni Senador Franklin Drilon.
Wish natin ay hindi maging moro-moro ang gagawing imbestigasyon dito ng DoJ. Kasi nga nauna nang nagpahayag si Pangulong Duterte na hindi niya sisibakin si Morales. Buo parin daw ang tiwala niya rito.
***
Bumira na naman si Presidential Spox Harrry Roque. Kaya raw mas malaki na ang bilang ng covid cases sa Pilipinas kumpara sa dating nangungunang Indonesia ay dahil dumami ang ating covid test kits, habang sa Indonesia ay konti lang. Aray ko! Di kaya aalma rito si Widodo?