Advertisers
“PAG di ka nag-face mask, tolongges ka.”
Ito ang sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno, makaraang pangunahan nila ni Vice Mayor Honey Lacuna ang inagurasyon ng ika-13 quarantine facility ng lungsod sa MLQU sa Quiapo.
Sa naturang okasyon, sinabi ni Moreno na mga ‘tolongges’ lang ang ayaw magsuot ng face mask, ngayong may banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Aniya pa, marahil naghahanap ang mga ito ng sakit ng katawan kaya’t ayaw protektahan ang sarili laban sa virus.
Iginiit pa ng alkalde na bagama’t may good recovery rate sa mga COVID patients, mayroon rin namang namamatay kaya’t dapat na maging maingat ang lahat.
“Kung marami ang recovery, sa kabilang dako ay meron ding mga namamatay, kaya me panganib. Kaya tolongges ka kung feeling mo hindi ka magkakasakit,” aniya pa.
Muli rin naman niyang tiniyak na ginagawa ng lokal na pamahalaan ang lahat para malabanan ang COVID-19 sa lungsod, gaya nang pagtatayo ng mga quarantine facilities at malawakang COVID-19 testing.
Gayunman, kung hindi aniya makikipagtulungan ang mga residente ay mababalewala lamang itong lahat.
“Tandaan nyo ang sinasabi ng matatanda, nasa huli ang pagsisisi,” aniya pa.
Muli rin niyang pinaalalahanan ang mga mamamayan na upang makaiwas sa COVID-19 ay sumunod sa minimum health standards na ipinatutupad ng pamahalaan, gaya ng pagsusuot ng face masks, madalas na paghuhugas ng kamay at obserbahan ang physical distancing.
“Lahat ‘yan ay mababale-wala pag tayo ay namamatayan at nagpapabaya sa sarili. Mabubulunan ang mga pasilidad… ayoko na isang araw ay nasa labas kayo ng ospital kasi puno na mga ospital. Napakasaklap,” aniya.
“Pag ang tao nagpabaya, me kalalagyan tayo. Habang me tiyak na paggaling, me tiyak na kamatayan.Pag wala kang mask, pagsokpa mo sa ospital dalawang bagay lang ang pwede mangyari sa ‘yo… lumabas kang buo o lumabas kang abo,” dagdag pa niya. (Andi Garcia)