Advertisers
TAONG 2016 nang pumalaot sa mundo ng showbiz ang pretty Kapuso teen actress na si Angelika Santiago. Si Jelay (nickname ni Angelika) ay napapanood sa top rating GMA-7 TV series na Prima Donnas, bilang si Jewel.
Siya ay nasa pangangalaga ng Triple A Incorporated na pinamumunuan ni Rams David. Aminadong bata pa lang ay hilig na ni Jelay ang arts o sining.
Pagbabalik-tanaw ni Angelika, “Well, masasabi ko po na mahilig po talaga ako sa arts. Before po ako nag-artista, mahilig po akong mag-video and mag-direk po ng mga film sa school namin.”
Dagdag pa niya, “And may pagkahilig na po talaga ako manood ng movies noon, especially po yung kay Vilma Santos na Anak. Mga scenes niya po roon ang nire-recreate ko po.”
Nagsimula ang katuparan ng kanyang pangarap nang nakita siya ni AiAi delas Alas, na kanilang family friend.
“Nag-start po ako noong time na nakita po ako ni Mommy AiAi delas Alas. Galing po sila sa meeting ni papa and tinanong po ako kung gusto ko raw pong mag-artista. Pumayag naman po yung parents ko, ‘tsaka po ako, kasi gusto ko rin po talagang maranasan ang pagiging artista,” aniya.
Para mahasa pa ang angking talento, si Jelay ay sumabak sa mga acting workshop.
“Nag-start po ako kay Sir Ogie Diaz for one year din po and after niyon ay nag-try din po ako sa kaibigan po ni mommy Ai Ai na direktor po. Then, nag-Star Magic po ako for two years din po.
“Tapos po, nag-break lang, then sumabak na naman po kay Mommy Anne Villegas and ito po, ‘yung last ko ngayon ay kay Mommy Gladys Reyes po. Hanggang now po nagwo-workshop pa rin po ako, pero naka-break nga lang po dahil may school. Pero pinag-iisipan po namin na mag-try po sa PETA Theater.”
Si Jelay ay nakalabas na sa TV shows na Maynila, Uniforme, at sa pelikulang OFW, the Movie na tinampukan ni Ms. Sylvia Sanchez.
Saad pa ng 17-year-old na si Angelika, “Ngayon po nasa Prima Donnas ako and ako po si Jewel doon, ang kaibigan ni Brianna (Elijah Alejo). Si Jewel po ay kakaibang character, kasi may pagkabaliw po siya and super slow sa mga nangyayari. Gusto ko po yung character niya, kasi kakaiba po. Kontrabida po ako rito…”
Mahirap bang maging kontrabida?
Sagot ni Jelay, “Sa totoo lang po, mas okay po sa akin yung kontrabida na role. Kasi, growing up po sa former school ko, yun po talaga yung role ko lagi sa mga films namin sa school.
“Gusto ko pong maging mataray in camera po, kasi parang nag-a-add po siya ng tension kapag nagse-scene po ako, kasama ang mga kaibigan ko po. And nakakatulong po iyon para lalo naming magampanan nang maayos ang character po namin,” pahayag pa ni Angelika. (Nonie V. Nicasio)