Flight attendant pinatay sa loob ng hotel?

6,640

MALAKING palaisipan sa pulisya at pamilya ng isang babaeng flight attendant ng Philippine Airlines (PAL) ang pagkamatay nito matapos matagpuang walang buhay sa bathtub ng isang hotel sa Makati City nitong Biyernes, Enero 1.
Hinala ng pamilya ni Christine Dacera, 23, ng VS Subdivision, Barangay San Isidro, General Santos City, may foul play sa pagkamatay ng dalaga base sa nakita nilang mga pasa at sugat sa kanyang binti at hita.
Naniniwala ang pamilya Dacera na pinatay ang kanilang anak na ngayon ay nasa pangangalaga ng punerarya at nakatakdang iuwi sa kanilang lalawigan sa Martes o Miyerkules.
Base sa imbestigasyon ng Makati City Police Station, natagpuan si Dacera na nakahiga sa bathtub ng inupahang Room 2209 ng City Garden Grand Hotel sa Makati Avenue ng kaibigang si Rommel Galida, 12:30 ng tanghali.
Ilang beses umanong tinangka ni Galida na gisingin si Dacera subali’t hindi tumitinag ang dalaga kaya tinawagan na niya ang mga kaibigang sina Gregorio Angelo de Guzman at John Dela Cerna na mabilis tumawag sa management ng hotel kaya isinugod sa clinic ang flight attendant.
Maging ang chief security ng hotel, nagsagawa ng cardio pulmonary resuscitation kay Dacera subali’t hindi parin ito natitinag at nang pulsuhan ay wala nang tibok, patay na.
Nakita sa CCTV ng hotel, 6:00 ng umaga ng Enero 1, si Dacera na bitbit ng dalawang lalaki mula sa Room 2207 patungo sa Room 2209.
Sinabi ng source na posibleng may kinalaman ang droga sa pagkamatay ni Dacera ngunit sinisiyasat pa ito.
Hiniling ng pamilya Dacera sa pulisya na magsagawa ng mas malalilam na imbestiga-syon sa kaso ng dalaga.

Leave A Reply

Your email address will not be published.