Advertisers
SA darating na Lunes, Marso 1 ay ikakasa ng House Committee on Dangerous Drugs ang motu propio investigation kaugnay sa nangyaring “misencounter” ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Commonwealth, Quezon City.
Sa isang panayam kay Committee on Dangerous Drugs Chair Robert Ace Barbers, sinabi nito na humihingi na siya ng permiso sa liderato ng Kamara na isagawa ang pagdinig.
Layon ng naturang congressional inquiry “in aid of legislation” na alamin kung totoo nga ba ang alegasyon ng “sell bust” upang hindi na maulit ang kahalintulad na kaso.
Bukod kay Barbers ay nagpahayag din si Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo ng pagnanais na silipin ang misencounter na ito na nangyari sa kanyang distrito.
Tututok ang imbestigasyon sa paglilinaw sa nakapaloob sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan nakasaad na ang PDEA ang siyang lead agency sa pagpapatupad ng nasabing batas habang ang PNP, NBI at iba pang law enforcement agencies ang siya namang katuwang sa pagsasagawa ng anti-drug operations. (Henry Padilla)