Bong Go: SAP para sa 22.9 million Pinoys pabilisin

63

NAG-AALALA si Senator Christopher “Bong” Go sa kalagayan ng mga pamilyang apektado ng muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine restrictions sa National Capital Region Plus areas dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19.

Kaya naman hiniling ni Go sa Department of Social Welfare and Development at mga apektadong local government units na pabilisin ang pamamahagi ng Supplemental Amelioration Program sa tinatayang 22.9 million low-income Filipinos.
“Higit kumulang 22.9 milyong mahihirap na katao na bumubuo ng 80 porsyento ng populasyon ng NCR at mga probinsya ng Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna na naka-ECQ ngayon ang dapat mabigyan ng ayuda sa lalong madaling panahon,” igniit ni Go.

“Aprubado na ito ng Pangulo kung kaya’t dapat na bilisan na natin ang pagbigay ng ayuda. Sa tulong ng mga LGUs, dapat maipamahagi ito sa bawat kwalipikadong indibidwal sa paraang maayos, mabilis, at walang bahid ng pulitika o korapsyon,” ayon sa senador.

Nasa P23 bilyon ang hinugot sa balanse ng Bureau of Treasury sa ilalim ng ‘Bayanihan to Recover as One Act’ kasunod ng apela ni Go na dagdagan ang ayuda sa mahihirap na pamilya na naapektuhan ng ECQ measures.

“Nakikiusap ako sa inyo. Bilisan niyo na ang pagpapababa ng pondo whether in cash or in-kind. Ang importante ay magamit na ito ng ating mahihirap na kababayan … Hindi lang nawalan ng trabaho [ang mga Pilipino]. Marami rin ang talagang tinamaan ang negosyo. Tandaan natin, mayroon ding mga pamilya at anak na pinapakain ang mga ito,” idiniin ni Go.

Nang tanungin kung may sapat na pondo ang gobyerno, sinabi ni Go na patuloy na tinutukoy ng government finance managers ang fund sources at masusing inaaral ang financial situation ng bansa sa harap ng lumalaking pangangailangan ng mga Filipino.

“Tinanong ko si Finance Secretary Carlos Dominguez. Ang sagot niya ay naghahanap pa sila ng pondo. Ibig sabihin, habang wala pang pondong nakikita ay mahihirapan pang mailatag ang Bayanihan 3,” ani Go.

“Ako po ay sang-ayon d’yan kung may pondo po… Sa ngayon po ay binabalanse pa muna nila lahat. Ayaw nila mangako… dahil, unang una, dapat munang ma-identify kung may pondo tayong pagkukuhaan,” ayon sa mambabatas.

“Hindi pa natin alam rin until when ba itong pagtaas po ng kaso (ng COVID-19),” idinagdag niya.

Gayunman, sa ngayon ay pinagkakasya ang mga available fund para kagyat na magamit ng mga Pinoy sa pagrekober sa krisis na duot ng pandemya.

“Kung may pondo na at kung ano funds ang available ay itulong na natin. Maraming nawalan ng trabaho at negosyo. Maraming overseas Filipino workers ang nawalan ng trabaho. Almost 500,000 na ang umuwi dito sa ating bansa and I’m sure nawalan ito ng trabaho at mayroon itong mga pamilyang pinapakain,” sabi ni Go.

“Ako naman po, bilang Chair ng Senate Committee on Health, ang prayoridad natin ngayon ay makapagligtas ng buhay ng mga Pilipino. Kaakibat dyan ang pagsigurong maiiwasan hindi lang ang sakit, kundi pati rin ang gutom at kahirapan.”

“Kinailangan nating i-extend ang ECQ. Kaya dapat lang na ibigay rin natin ang anumang tulong na kaya nating ibigay sa mga tao. Habang pinipilit nating manatili sa bahay ang mga Pilipino, siguraduhin rin nating ligtas sila at may pang-kain sa kanilang pamilya,” idinagdag ni Go. (PFT Team)

Leave A Reply

Your email address will not be published.