Ivermectin puede nang gamitin vs Covid-19

180

PINAYAGAN na ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng Ivermectin na isang anti-paracitic drug kontra sa coronavirus disease pero ang permit na ipinagkaloob dito ay “compassionate use” lamang.

Ang kumpirmasyon ay ginawa ni FDA Director General Eric Domingo.

“Na-grant na iyong special permit for compassionate use [of ivermectin] kasi alam naman namin na investigational product ito against COVID-19. May isang ospital na nag-apply for compassionate use at na-grant na nga ng araw na ito,” pahayag ni Domingo kaugnay ng ginawang briefing sa Laging Handa.

Ang Ivermectin ay isang gamot na pinapayagang gamitin para lamang sa hayop.

Klinaro naman ni Domingo, ang naturang compassionate use permit ay iba mula sa nakabinbin na aplikasyon ng dalawang local manufacturers na nagnanais na mabigyan ng certificate of product registration ang Ivermectin.

Nabatid na sa ilalim ng compassionate use permit, pinayagan ang legal administration ng gamot sa bansa ngunit hindi iniendorso ng FDA ang kaligtasan at bisa nito.

Samantala, ang certificate of product registration naman ay nagpapahintulot sa mga manufacturers na maipagbili ang naturang gamot sa merkado at bibigyan ito ng garantiya ng FDA na ligtas ang epektibo.

Matatandaang ilang mambabatas at mga doktor na ang nagsusulong na magamit ang Ivermectin sa mga pasyente ng COVID-19 matapos na mapatunayan ang bisa nito, base sa sarili nilang karanasan.

Nanindigan naman ang FDA na dapat munang rehistrado ang Ivermectin bago tuluyang ireseta at ipagamit sa mga tao. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)

Leave A Reply

Your email address will not be published.