Advertisers
PINURI ng pinuno ng WHO Philippine office at ng national government ang liderato ng Lungsod ng Taguig sa mahusay nitong vaccination rollout ng 7,020 bakuna na tinanggap ng Taguig mula sa Pfizer-BioNTech sa pamamagitan ng COVAX facility ng WHO.
Ang kauna-unahang Pfizer vaccination ay ginanap sa Taguig nitong May 13, 2021 sa Lakeshore Mega Vaccination Hub.
Partikular na pinuri ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, head ng WHO Philippine Office, ang ekstensibo at malawakang preparasyon ng lungsod upang maipatupad ng maayos ang vaccination rollout. Ikinagalak din ng opisyal ang pagkakaroon ng Taguig ng isang training center kungsaan nagsanay ng wastong paghawak sa bakuna ang medical practitioners.
Pinuri rin nito ang mahusay na proseso na ipinatupad ng Taguig upang masiguro na masunod ang priority list ng national government sa vaccine rollout sa bansa. “Mr. Mayor, sincere thanks for your leadership,” ayon pa kay Dr. Abeyasinghe.
Nagpahayag din ng kanyang positibong opinyon si COVID-19 Response Chief Implementor at Vaccine Czar, Secretary Carlito Galvez Jr., kasabay ng pagpuri kay Mayor Lino Cayetano sa mga makabagong hakbang nito para ipatupad ang vaccination rollout. “I would like to thank Mayor Lino. Alam ninyo ‘pag laging pumupunta kami dito, laging may bago,” puri ni Sec. Galvez.
Kamakailan ay inilunsad ng Taguig ang Park ‘N Test at vaccination bus na iikot sa lugar ng mga gustong magpabakuna na hindi kakayaning magpunta sa mga vaccination hubs ng lungsod.
Kaugnay nito, hinikayat ni Dr. Abeyasinghe ang iba pang lungsod at bayan sa bansa na gayahin ang mga prosesong pinapatupad ng Taguig sa vaccination rollout.
Tiniyak naman ni Mayor Cayetano na sisiguruhin nila ang pangangalaga sa bakuna upang ligtas at mabilis itong maiturok sa mga residente.
Ang symbolic Pfizer vaccination sa Taguig ay dinaluhan nina Testing Czar Secretary Vince Dizon, Health Assistant Secretary Elmer Punzalan, Metro Manila Centers for Health Development Director Gloria Balboa, representatives mula sa United Nations International Children’s Fund (UNICEF), at representatives mula sa United States Agency for International Development (USAID).
Ang 193,000 vials ng Pfizer vaccine ay dumating sa bansa May 10,2021. Ito ang pang-apat na bakuna na dumating kasunod ng Sinovac, Astra Zeneca at Gamaleya.