Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
ANG veteran actor na si Richard Manabat, bukod sa pag-arte ay isang fight director din at nagtuturo ng Martial Arts (Aikido and Arnis) sa sariling dojo (training place).
Bilang sensei, siya ay isang Senior 3rd Degree Blackbelt sa Aikido at Chief Instructor ng Aikido Brotherhood Club.
Saad niya, “Bale, dapat nga po ipo-promote ako noong December 2009 ng late Master ko na si Omar Camar (na isang former actor) for 4th dan pero unfortunately, hindi natuloy kasi September same year, namatay siya.”
Nagsimula si Richard sa showbiz ng late 90’s at ang contemporaries niya ay sina Simon Ibarra, Mon Confiado, at ang isa sa idol niyang si Allen Dizon.
Sambit niya, “Nag-start po ako sa showbiz late 90’s na po iyon, from TVC to teatro, hanggang sa TV at movies na.”
Paano siya napasok sa swowbiz? “Una po, nag-start lang bilang fight choreographer, kinuha ako ng isang prod para turuan yung lead sa fight. Tapos, ‘yung caster hiningi po ang pager number ko at pinag-VTR ako at audition.
“That time nasa 27 years old na ako noon. After niyon, tuluy-tuloy na po. Nagteatro ako, teleserye, tapos, ay pelikula na po.”
So far, ano ang pinaka-challenging role na nagampanan niya?
Aniya, “Kadalasan po kasi ang ibinibigay sa aking role ay authoritative role, kundi police officer, opisyal, lider o boss ng sindikato. Kasi sabi nila na buo raw ang boses ko at may tindig.
“Medyo hindi lang ako palagay kapag love scene, hehehe. Medyo parang asiwa ako. Pero, trabaho kaya dapat gawin. Kagaya po noong pelikula ni Direk Joel Lamangan na Silab, na kahit isang eksena lang ako, pero para sa akin, challenging siya dahil ‘yung lead na babae ay nagkakahiyaan kami.
“Pero nag-usap kami, inintindi ang gustong mangyari ni direk na dapat naming gawin nang tama. Dahil alam naman natin si Direk Joel, ‘pag pangit ang dating, uulit-ulitin niya para gumanda ang eksena, na dapat naman talagang gawin.”
Ayon pa kay Richard, ang kanyang dream role ay gumanap na isang psychopath.
Esplika niya, “Lahat po yata ng character nagampanan ko na… pero, isa na lang ang hindi ko pa nagagawa at gusto kong gawin, ang isang psychopath na mala-Jack Nicholson ang dating, hehehe.
“Sa akin naman po, everytime na binibigyan ako ng role, I always make sure na ginagampanan ko iyon sa abot ng aking makakaya,” seryosong wika pa ni Richard.