Advertisers

Advertisers

Kung ‘di si Duterte… BONG GO PANLABAN SA VP!

0 302

Advertisers

SI Senador Christopher “Bong” Go ang dapat maging pambato ng administrasyon sa pagkabise-presidente.

Ito ang tahasang ipinahayag ni Deputy Speaker at Valenzuela City 2nd District Representative Eric Martinez na si Sen. Go ang siyang nararapat na ipalit o ihalili sa pagtakbo bilang vice president kung hindi tatakbo para sa nasabing posisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.

Matatandaang naglabas ng panawagan at gumawa kamakailan ng isang resolusyon ang Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) upang hilingin at isulong ang pagtakbo ni Pangulong Duterte sa pagkabise-presidente sa Halalang 2022.



“Kung talagang magreretiro at hindi na kakagatin ng Pangulo ang alok ng PDP-Laban na kanyang partido, si Senador Bong Go ang pinakakuwalipikadong tao na pumalit sa kanya sa pangalawang pinakamataas na posisyon sa bansa,” ani Martinez.

Nauna rito, sinabi ni Pangulong Duterte sa panayam ni Pastor Apollo Quiboloy noong Hunyo 8, 2021 na siya ay magreretiro na sa public service.



“Kung hindi si Pangulong Duterte, si Sen. Bong Go ang siyang malakas na maging kandidatong dadalhin ng PDP-Laban sa 2022 bilang vice president dahil siya ang siguradong makatutulong upang maituloy ang mga pagbabagong pinasimulan ng administrasyong ito,” ayon pa sa Dep. Speaker na isa sa 2 orihinal na nanalong PDP-Laban noong 2016.

Sa kasalukuyan ay kitang-kita ang ginagawa ni Sen. Go na pagmamalasakit sa taumbayan dahil sa araw-araw niyang pag-iikot at pagtulong sa lahat ng sektor ng lipunan, lalo sa mga biktima ng kalamidad at kapus-palad.



Bukod sa natatanging senador na nagpaparamdam sa tao ng tunay na pagmamalasakit at paglilingkod, nagsulong din si Sen. Go ng mga batas na tunay na nakatutulong sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayang Pilipino.

Ilan sa mga panukalang batas na inihain at isinusulong ni Sen. Go sa Senado ay ang pagbuo ng isang departamentong tututok sa kapakanan ng Overseas Filipino Workers (OFWs), pagpapatayo at pagsasaayos ng mga pangunahing ospital sa iba’t ibang sulok ng bansa, ang pagtatatag ng Malasakit Centers, at marami pang iba.

Sa kasalukuyan, nasa mahigit 2 milyong Pilipino na ang naiulat na nabigyan ng tulong pinansyal para sa pangangailangang medikal ng Malasakit Centers na nagtataglay ng pinagsama-samang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at PhilHealth.

Bilang may-akda at ama ng Republic Act No. 11463 na mas kilala bilang Malasakit Centers Act of 2019 at siyang chairman ng Senate Committee on Health, tuluy-tuloy ang inisyatibo at pagsuporta ni Sen. Go upang dagdagan pa ang nasa 119 na bilang ng Malasakit Centers sa buong bansa.

Sa kasalukuyan, wala pang kumpirmasyon si Sen. Go sa maaaring pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa 2022, ngunit kaliwa’t kanan na ang suportang inaani niya na mayroon pang nagsasabing bagay siyang itambal sakaling tumakbo sa pagkapangulo si Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte.