Advertisers
SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija – Kapwa naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ang maglive-in partner sa loob ng sari-sari store nang pasukin at pagtatagain ng ‘di pa batid na bilang ng “Akyat-Bahay Gang” sa Barangay Gabaldon ng lungsod na ito, Biyernes ng madaling-araw.
Ayon kay Police Lt. Colonel Marlon Cudal, hepe ng pulisya rito, nasawi ang babaeng biktima na si Perla Galapante; habang malubha sa Heart of Jesus Hospital sa San Jose City ang kinakasama nitong si Joey Ramos, kapwa nasa hustong gulang at nakatira sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon nina Staff Sgt. Christian Pascua at Patrolman Emmanuel Graganza ng Muñoz City Police, naganap ang insidente sa pagitan ng 3:00 hanggang 4:00 ng madaling-araw habang naghahanda nang magbukas ng kanilang tindahan ang mag-asawa.
Natagpuan ng mga kapitbabahay ang bangkay ng babae sa gawing likod-bahay na may malaking sugat sa ulo sanhi ng taga ng itak, habang ang mister ay natagpuang walang malay sa loob ng kanilang tindahan dahil sa maramng dugong umaagos sa kanyang ulo.
Mag-alas 8:00 ng umaga nang magising ang lalaking biktima na bagama’t nanghihina ay sumigaw at humingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay na agad rumesponde at itinakbo sa nasabing ospital.