Advertisers

Advertisers

Yorme Isko nasa stable condition na mula sa Covid positive

0 265

Advertisers

NASA maayos na kondisyon si Manila Mayor Isko Moreno matapos na dapuan ng mild COVID-19.

Matatandaang nitong Linggo ng gabi nang ianunsiyo ng alkalde sa publiko na nagpositibo siya sa coronavirus matapos na sumailalim sa RT-PCR swab test.

Ayon kay Moreno, nakakaranas siya ng bahagyang hilo, ubo, sipon, at pananakit ng katawan kaya’t kaagad na siyang dinala sa Sta. Ana Hospital kung saan siya kasalukuyan pa ring naka-confine.



Sa isang medical bulletin naman nitong Lunes, kinumpirma ni Dr. Grace Padilla, ang director ng Sta. Ana Hospital, na may mild case nga ng COVID-19 ang alkalde.

Aniya, bagama’t may bahagyang sintomas ito ng sakit ay maayos naman ang kalagayan nito sa ngayon at kinakailangan lamang uminom ng antibiotics, vitamins at supplements para sa kanyang paggaling.



“Our honorable Mayor Francisco Domagoso was admitted last night August 15, 2021, here at Sta Ana Hospital. He has mild colds coughs and body malaise as presenting symptoms. He has no fever,” ayon pa kay Padilla.

“His RTPCR test result turned out positive. Lab tests were taken, and the initial findings of his chest CT Scan result is normal. Our clinical impression: He has a mild covid disease,” dagdag pa ng hospital director. “Presently, he is maintained on oral antibiotics and vitamins as supplements. He is stable, comfortable and sleeping well.”



Matatandaang una na ring nagpositibo sa COVID-19 si Manila Vice Mayor Honey Lacuna at tiniyak naman ni Padilla na papagaling na ang bise alkalde, na na-confine rin sa pagamutan noong nakaraang linggo.

Kahit naman pareho silang may karamdaman ni Lacuna, tiniyak ni Moreno na tuloy pa rin ang operasyon ng lokal na pamahalaan, partikular na ang laban nito kontra sa pandemya.

“Kapit lang. Tuloy ang buhay. Tuloy pa rin ang gobyerno sa Maynila. Umasa tayo, magtiwala tayo sa Diyos, makararaos din tayo,” aniya pa. (Jonah Mallari)