Advertisers
PATAY ang dating editor ng pahayagang Remate at kasalukuyang advertising manager ng Saksi Ngayon habang nasa kritikal na kondisyon naman ang live-in partner nito makaraang manlaban at barilin ng nag-iisang holdaper na pumasok sa kanilang Salon and Spa sa Quezon City, nitong Martes ng hapon.
Ang biktima ay nakilalang si Gwenn Salamida, nasa hustong gulang, dating editor ng Remate at kasalukuyang advertising Manager ng Saksi Ngayon at residente ng Unit 4414 South, Zinnia Condo sa Brgy. Katipunan, Quezon City.
Nasa kritikal na kondisyon naman sa Quezon City General Hospital ang live-in partner ng biktima na si Oliver Perona na nabaril din.
Sa inisyal na report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 3:35 ng hapon (August 17), nang maganap ang insidente sa loob ng pag-aaring Gott Salon and Spa ng biktima na matatagpuan sa No. 191 Kaingin Road, Brgy A. Samson, QC.
Ayon sa imbestigador na si PSSg Jason Santoceldes, abala sa paglilinis ng Salon ang mga biktima bilang paghahanda sa pagbubukas kapag natapos na ang ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) nang biglang pumasok ang isang lalaki.
Agad na nagpahayag ng holdap ang suspek habang nakatutok ang hindi pa batid na kalibre ng baril pero nanlaban ang mga biktima kaya pinaputukan ang mga ito.
Nang duguang bumulagta ang mga biktima ay agad na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo na hindi nakuha ang plaka.
Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa naganap na krimen.
Sa kabilang banda, sinabi ng delivery rider na nagdeliber ng inorder na Mang Inasal ng biktima na walang holdap na nangyari. Ang suspek ay sumabay sa kanya sa pagpasok sa parlor at habang inaabot ng biktima ang sukli sa delivery rider ay pinutukan ng salarin ang biktima saka mabilis na tumakas. (Boy Celario/Ronald Bula)