Advertisers
SA timpla ng takbo ng politika sa bansa, tila pogi ang dating ng mga tatakbo sa bakod ng oposisyong gayong matunog na ang makakatungali’y ang kadugo o ang matalik na atsoy ni Totoy Kulambo at siya mismo bilang kandidato sa bwisit presidente. O sinasadya ito upang maghasik ng kaguluhan sa hanay ng oposisyon upang matiyak na mahahati ang boto at pagkatalo kahit tumakbo ang pinakamalakas na kandidato sa hanay nito.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang ilang nag-aambisyon sa pinakamataas na pwesto’y mga kasapakat ng administrasyon sa pagsikil sa mga karapatan ng mamamayan at sa pagpapalubag sa kabuhayan ng bansa. Hindi kaila na nakasakay lang sa iisang jeepney ang mga ito at ng papalapit ang halalan tila mga nagtalunan at naghanap ng ibang sakay upang maging tsuper.
Sinu-sino ang mga ito, una, nariyan ang yorme ng isang lungsod na sa pagpasok ng pamahalaan ni TK naitalaga bilang USec ng isang kagawaran. At ng makaipon, nilabanan ang alkaldeng si Hito at nanalo. At heto ka, pilit na sumakay sa jeep na ipinapasada ni TK, na kahit may kasikipan ang viaje at makilalang lubos ng tsuper. Sa pagtakbo ng panahon, madalas laman ng balita o media na binabaldehan ang kalye ng Divisoria upang magmukang malinis. Nagsimulang mamayagpag ang bagwis, kumawala at lumipad ng matayog na parang isang madaragit.
Sa pagpasok ng panahon na nangangamoy halalan, nagsimula punahin si Inday Sapak na sa mga pagdalaw sa iba’t – ibang lugar gayong mataas ang insidente ng pandemya sa kanyang lunsod, at maraming pagpuna ang mga sumunod. Subalit hindi pinalampas ni TK at tinuligsa si yorme ng magkaroon ng problema sa nasasakupan ng mababad sa baha ang mga taong nakapila para sa bakuna. Sinundan ito ng hindi ipinamahala ang pagbibigay ng ayuda sa mga nasasakupan ng muling mag ECQ. Nagkasunod sunod ang batikos dito ng mga Balite ng Malacanan maging ng DILG.
Pangalawa, ang kandidatong sumayaw sa panukala na buhayin ang death penalty sa bansa. Gamit ang mga quotations halaw sa banal na aklat sa pagsusog sa pagbabalik ng parusang kamatayan. Hayan kahit wala pa ang halala’y natalo na sa lapiang kinasasapian. Nagpatuloy ang kamalasan ng talunin ni Ugas sa laban kamakailan. Tila naglaho ang kinang sa lona kasabay ng paglaho ng pangarap na maging halal na pangulo.
Hindi nito kinaya si Cusi, si Ugas, paano pa ang Ungas ng Davao, hehehe. Sa pagkatalo sa lona, mas tama na mag-isip ng ibang tahakin sa politika na magiging paborable sa dito, hindi nakuha ng paghahanda sa palakasan ang pangarap sa serbisyong bayan. At ngayon maging ang matalik na kakampi’y nag-iba ng ihip at mukhang papanig kay yorme ng Aksyon Demokratiko, di ba Kokok? Mag-isip isip, Mane.
Pangatlo, si Ping.. Formula na pakitang gilas saan man sa mundo. Kung pagbabasehan ang mga formula na ihinahain nito tiyak na mawawala sa sarili at bibilib ka dito. Subalit, huwag magpakabulag dahil sanay sa lansihan at ang dalang mungkahi’y pansarili lamang. Sanay itong magpakitang tao at magpapogi subalit may lasong bitbit upang maisingit ang sarili sa nais. Sa totoo lang, isa itong maka-TK lalo sa mga programang kontra sa karapatang pantao at mga pagpaslang sa mga napaghihinalaang kriminal.
Ang nakakalungkot hinala pa lang pero nakahandusay na sa kalye. At ang masaklap, sinang-ayunan ang mga gawa-gawang kaso laban sa isang senadora na naglagay dito sa piitan. Sana’y ito sa mga prop-up charges at ikulong kahit walang kasalanan at paglilitis. Sa huli nakipag-usap sa oposisyon at naglatag ng formula para sa tagumpay sa darating na halalan. Eh sino ang ulo, siempre si ako, ako ang may formula at ako ang magpapatakbo, ano ka hilo?
Pangapat, maliwanag pa sa sikat ng araw, ang nag-iisang politikong lantarang bumabatikos kay Totoy Kulambo. Walang sinayang na panahon upang ipamukha sa bayan ang kabulastugan, kabobohan at ang walang habas na pagnanakaw sa kaban ng bayan ng IDG. Ang tumayo at naghain sa ICC ng kaso laban kay TK sa paglabag sa karapatan ng mga biktima ng EJK at karapatang pantao na nagpalundag kay TK na magdesisyong tumakbo sa posisyon na tingin niya’y may immunity. Subalit naninindigan ito sa pagbaba ni TK sa panguluhan, hahabulin ito ng mga kasong magpapakulong dito. Ito ang tunay na oposisyon, ang Astig!
Panghuli, ang bantulot na abalang pangulo na hindi tuwiran ang pambabatikos kay TK subalit ito ang tampulan ng batikos ng administrasyon. Maraming pagkakataon na binabato ito ng mga kritisismo mula kay TK at sa mga alipores nito. Ang mga puna nito sa pamahala’y masasabing constructive na mapupulutan ng maayos na pagpapatakbo ng pamahalaan kung isasakatuparan.
Dahil nasa kabilang bakod ng politika, walang maganda sinsabi ito kung ang kasalukuyang pamahalaan ang tatanungin. Sa takbo ng paghuhugis ng politika, tila ito ang may huling pagsasaad na hinihintay ng mga aspirante. Maging ang IDG’y nag-aabang sa iuusal nito hingil sa balakin sa ’22. Eh masasabi na hindi man ito ang nangunguna sa mga survey sa kasalukuyan, subalit ang mga paghihintay sa pagpapasya nito ang barometro kung sino ang tunay na may lakas at hatak sa boto ng bayan.
Madaling makagawa ng konklusyon kung sino ang tunay na oposisyon at sino ang peke. Kailangan maging mulat sa katotohanan na yung mga lumipad na kampi ni Totoy Kulambo’y kilatisin ng ‘di maligaw sa desisyong gagawin para sa kinabukasan ng bansa. Ang mga mapagpanggap karaniwa’y mahusay magsalita na mabibighani sino mang nakikinig. Tulad ng isang binata na talipandas na madaling umibig at magpa-ibig sa sino man dalaga na maibigan.
Subalit, ang mapagmasid na dalaga’y marunong kumilatis at bumasa sa kilos ng binatang karapat dapat na usalan ng matamis na oo’t pagmamahal. Hindi kara-karakang bumibigay sa mga bulaklak at tsokolateng alay at matamis na pananalita . Sinusuri ang kinikilos ng binata na magdadala sa kanya sa kinabukasan. Mahirap mamili subalit ang tunay na ginto’y nasusukat hindi sa kinang kundi uri ng pagiging ginto. Huwag magpabola sa mga politiko na magaling pumusisyon at prinsipyong pansarili. Bistado na ang mga retorika, ang pagkakasakit, ang mga formulang pambulag sa pagkuha ng boto ng bayan. Pumili ng matuwid lalo’t sa kagalingan ng bayan ang nais. Imulat ang mata sa mapagpanggap na oposisyon na hindi tumatayo para sa kagalingan ng bayan.
Maraming Salamat po!!!