Advertisers
Sugatan ang isa sa dalawang pulis na nagawang matakasan ng isang persons under police custody (PUPC) o preso ililipat sana sa piitan ng Fairview Police Station 5 (PS 5) sa Quezon City, nitong Linggo ng hapon.
Kinilala ang sugatan na pulis na si PCpl. Arjay Caybayab, 27; kasama nito na Pat Lorenzo Macarilay, 33, kapwa nakatalaga sa Bagong Silangan Police Station 13 (PS 13) ng Quezon City Police District (QCPD).
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, 12:45 ng hapon (September 26), nang maganap ang insidente sa Doña Carmen Subdivision, Barangay Commonwealth, sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni PCpl Isaias L De Pedro II, ang preso na si Ferio Merabel ay nakulong sa PS 13 sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165.
Si Merabel, kasama ang tatlo pang PUPC, isinakay sa Hilux 23 na minamaneho ni Pat Macarilay, habang si PCpl Cayabyab naman ang escort sa likuran ng mobile upang ilipat sa piitan ng PS 5.
Habang binabaybay ang nasabing lugar, nagawang matanggal ni Merabel at ng isa pang kasamang preso na si Sherwin Golondrina ang posas sa kanilang kanang kamay.
Nang makakuha ng tiyempo, agad tinutukan ng tinidor ni Golondrina ang leeg ni Cpl. Caybyab at sinabing… “pasensya na sir, pero papatayin kita!”.
Pero nang akmang saksakin sa leeg ang pulis ay mabilis niyang nasalag ang preso kaya nasaksak siya sa kaliwang palad.
Dahil dito ay nagpambuno si PCpl Cayabyab at Golondrina hanggang sa magpagulong-gulong sa sahig ng mobile car ang dalawa.
Agad namang inihinto ni Pat Macarilay ang mobile at doon mabilis na tumalon sa sasakyan si Merabel patungong Kapalaran at Doña Nicasia Sts., sa nasabing Barangay.
Sumuko naman ang dalawang pulis matapos ang insidente habang nagsasagawa naman ng ‘manhunt operation’ ang mga kasamahang pulis laban sa nakaeskapong preso.