Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA isang panayam, inamin ng sexy star na si AJ Raval na totoong nililigawan siya ng hunk actor na si Aljur Abrenica.
Gayunpaman, nilinaw niya na wala pa silang relasyon ni Aljur dahil nasa “getting to know each other” stage pa lang daw sila.
Ginawa niya ang pagbubunyag dahil ayaw daw niyang magpaka-ipokrita.
Ito ay para klaruhin din na hindi siya third party sa hiwalayan nina Aljur at ng estranged wife nitong si Kylie Padilla.
“Yes, totoo. Hindi ako magpapakaimpokrita. Di na ako magsisinungaling, di na ako magde-deny, kasi mukha lang kaming t*nga kapag nag-deny kami. Well, totoo naman na nag-uusap kami,” paliwanag niya.
Sinabi pa niya na kung nagkakaintindihan man sila ni Aljur, ito ay dahil madali silang nagkapalagayan ng loob.
“We understand each other. We care for each other. Pero wala pa kami sa point na may relasyon kami. Parang getting to know,” hirit niya.
Sey pa niya, isang “boyfriend material” naman si Aljur at nakikita niya rito ang mga katangiang hinahanap niya sa isang dyowa.
Sina AJ at Aljur ay nagkasama sa pelikulang Nerisa na pinagbidahan ni Cindy Miranda.
***
“Gensan Punch” at “On The Job: Missing 8” tampok sa Busan International Filmfest
Pagkatapos gumawa ng ingay sa pagkapanalo ng HBO Asia Original series sa Venice filmfest na nanalo ng best actor si John Arcilla, patuloy ang winning streak ng nasabing pelikula dahil kasama siya sa “A Window on Asian Cinema” ng prestihiyosong Busan International Filmfest na gaganapin sa South Korea mula Oktubre 6 hanggang 15.
Muli ring magpapakitang gilas ang Cannes best director na si Brillante Mendoza dahil ang kanyang pinakabagong obrang “Gensan Punch”ay kasama rin sa naturang section.
Ang “Gensan Punch” ay isa sa pitong pelikulang Asyano na nominado sa Kim Jiseok Award sa BIFF.
Ang “Gensan Punch” ay tungkol sa kuwento ng isang Hapon na may prosthetic leg na nagsanay sa Pilipinas para maging professional boxer.
Ang pelikula ay nakatanggap ng CreatePHFilm Fund for Post-Production grantee mula sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) at magkakaroon ng world premiere sa Busan bago ipalabas sa HBO.
Sa Asian Project Market (APM), isang co-production platform, tampok naman ang proyektong “Happy Endings”ng director-producer tandem nina Sigrid Andrea Bernardo at Armi Cacanindin.
Ang FDCP ay nakatakda ring mag-host ng online panel discussion sa temang “Co-Producing with the Philippines” at magdaos ng virtual Philippine pavilion kasama ang Sine Caboloan Ltd. Co., ABS-CBN (International Production & Co-Production), ABS-CBN Film Productions, Inc., Eichef Media HFilms Co., Cignal Entertainment, The Producers Asia, at KT House Productions Inc.sa 15th edition ng Asian Contents & Film Market (ACFM) mula Oktubre 11 hanggang 14.
“I am very excited that more Filipino films, projects, and talents have been selected to participate in such a respected film festival to showcase their stories. The agency is ready to support upcoming projects and talents that will make a mark on the future of our Philippine Cinema,” ani FDCP Chairperson at CEO Liza Diño.