Advertisers
NAGPAPASALAMAT si Reelectionist Senator Joel ‘Tesdaman’ Villanueva sa tatlong Presidentiables sa pag-indorso sa kanya na muling makabalik sa senado para sa halalan sa Mayo 2022.
Kabilang sa mga Presidentiables na nag-indorso at nagsama sa kanilang senatorial line-up ng pangalan ni Villanueva ay sina Vice President Leni Robredo, Senador Panfilo “Ping” Lacson at Senador Manny Pacquiao.
Ayon kay Villanueva, patunay ito na nakita ng tatlong nagnanais na maging Pangulo ang kahalagahan ng pagsulong sa usapin ng trabaho at kabuhayan, na pangunahing adbokasiya ni Tesdaman.
At ang tinutukoy ni Villanueva, bukod sa paggawa ng mga batas at paghahain ng mga panukalang batas nakapaglikha din ito ng dagdag na trabaho para sa mga mamamayan.
Si Villanueva ay nahalal noong 2016 bilang senador matapos na pumangalawa sa mga nanalong senador at nakakuha ng botong 18,459,222 ngunit bago pa man maihalal siya ay nanungkulan bilang Director General ng TESDA mula 2010 hanggang 2015. Sa kanyang pagpapalawak ng tech-voc training, higit na 20 milyong Pilipino ang natulungan ni Villanueva, na chairman rin ng Senate higher and technical-vocational education.
At matapos na maihalal ay ilan sa mga panukalang batas niya na naging isang ganap ng batas na siya ang pangunahing may-akda ang Doktor para sa Bayan; Work from Home law; Tulong Trabaho law; Job Safety and Health Standards; at First-time Jobseekers Assistance Act.
Sa kasalukuyan ay mayroong 500 panukalang batas ang naihain ni Villanueva simula ng siya ay umupong senador at 82 dito ay pawang naging ganap ng batas.
At dalawa din dito ang malapit nang maging batas at ito ay ang Magna Carta of Filipino Seafarers at Department of Migrant Workers and Overseas Filipino na inaasahang maipapasa ng kongreso bago matapos ang taon.
Si Villanueva din ang pinakabatang nahalal na mambabatas noong 2002 bilang kinatawan ng Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC).
Layon ni Villanueva na muling mahalal upang makalikha pa ng mga karagdang batas na magbibigay ng proteksyon sa ating mga manggagawa.
Nais din ni Villanueva na isulong ang paglikha ng trabaho, pagbibigay ng sapat na edukasyon para sa bawat mamamayan, sapat at tamang serbisyo sa lahat ng mamamayan, dignidad ng bawat isa at pag-asenso ng bawat Pilipino.
At bukod sa kanyang hilig sa larong basketball ay dalawang beses din siyang naging kinatawan ng ating bansa sa naturang paligsahan.