Advertisers
MAS bilib at mas tiwala ang maraming mamamayan ng Antique kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kakayahan at katangian nito na mapatnubayan ang bansa tungo sa pagbabago at pag-asenso.
Inihayag ito ng mga kilalang lider ng Antique na kinilala si Yorme Isko na taal na anak ng lalawigan.
Mula sa bayan ng Hamtic Jose sa Antique ang ama ng alkalde, si Joaquin Domagoso na naghanap ng swerte sa Maynila noong 1960.
Nagtrabado bilang estibador sa pier ng Maynila at umibig at nagpakasal kay Rosario “Chayong” Moreno, tubong Allen, Northern Samar.
Si Francisco Moreno Domagoso ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan.
Dahil sa pagkilalang anak ng Antique si Isko, inihayag ni Antique Board Member Vincent Hernandez Piccio III na buong-buo ang tiwala at suporta ng mga mamamayan ng Antique at ng buong rehiyon ng Western Visayas sa kandidatura ni Isko bilang presidente at ng katiket na kandidatong bise presidente, Dr. Willie Ong.
Ipinagkaloob ang pahayag ng pagtitiwala at suporta kina Yorme Isko at Ong ng Aksyon Demokratiko nang ilunsad noong Okt. 18, Lunes ang Ikaw Muna (IM) Pilipinas Antique chapter sa Casa Agusta, San Jose de Buenavista, Antique.
Binubuo ang IM Pilipinas ng iba-ibang sektor mula sa gobyerno, manggagawa, negosyo, relihiyon, agrikultura, pangisdaan, mga drayber at may-ari ng tricycle, kabataan, propesyonal at akademya.
Tinukoy ni Piccio ang katangi-tanging akomplisment ni Moreno sa paglilingkod-bayan sa Maynila, lalo na ang maipagmamalaking mabilis na kilos laban sa pandemyang COVID-19, kaloob na ayudang pinansiyal, maayos na serbisyong pangkabuhayan, edukasyon at medikal.
Ani ni Piccio: “We have seen the efficiency of Yorme Isko Moreno in public service, in just two years marami na siyang nagawa para sa kanyang mga pinaglilingkuran sa siyudad ng Maynila lalo pa nang tumama ang pandemya dulot ng COVID-19. Hindi nagpabaya si Yorme Isko, agad niyang natugunan ang mga pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan, bilis kilos talaga!”
Idinugtong niya na kinikilala ng Antiquenos ang pinagmulang buhay ni Yorme Isko ay mula sa Visaya, kaya kanilang inilulunsad ang Ikaw Muna Pilipinas Antique chapter.
Dagdag ni Piccio na ang buhay ni Isko ay isang buhay na inspirasyon na mula sa pagsisikap at tiyaga, magagawang umangat at maging isang lider ng bansa ang isang ipinanganak at lumaking mahirap.
Si Isko Moreno Domagoso, para sa mga taga-Antique at rehiyon ng Visaya ay “magiging kinatawan ng bawat probinsyano sa Kalakhang Maynila.”
Ipinagmamalaki nila si Isko na isang tunay at tapat na anak ng Antique, paliwanag pa ni Piccio.
Ito ay dahil ang ama ni Isko ay si Joaquin Domagoso na tubong Hamtic Jose, Antique at ang kanyang ina na si Rosario Moreno ay nagmula sa Allen, Northern Samar.
Pinuri naman ni Bong Mangahas, IM Pilipinas National Convenor and Political Affairs ang pagkalunsad ng IM Pilipinas Antique Chapter at ito ay matibay na patunay sa lumalakas at dumaraming bilang ng sumusuportang Pilipino para maihalal si Yorme Isko na pangulo ng bansa sa 2022.
Sabi ni Mangahas, isang ‘unifying leader’ ang kailangan ng Pilipinas at ito ay si Isko Moreno, kasunod ay ipinagmalaki ang kamangha-manghang ginawa nito sa Maynila.
“(He) has already shown efficiency in serving the people. He has done it in the City of Manila and we are very sure he can do it for the whole country,” sabi ni Mangahas.
Sigurado ang panalo ng mamamayang Pilipino kung ang isang mapagmalasakit at maawaing lider na tulad ni Yorme ang magiging presidente, pahayag naman ni IM Pilipinas Secretary General Elmer Argaño.
Aniya, mahalaga na magkaisa sa iisang adhikain at layunin ang mga Pilipino na suportahan at samahan ang kandidatura ni Isko upang mapalakas at magtuloy-tuloy ang pag-unlad ng Pilipinas.
“A compassionate leader like Yorme Isko who has the global competence, experience and most of all fear and love of God can make these things happen,” sabi ni Argaño.