Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain…” (2 Timoteo 3:16, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
MGA OPISYALES NG GOBYERNO, WALANG ALAM, LITO, O SADYANG WALANG PAKI-ALAM SA KALIGTASAN NG MGA TAO MULA COVID 19 SA KANILANG MGA KAUTUSAN: Walang alam. Lito. O di kaya ay sadyang walang pakialam sa kaligtasan ng maraming Pilipino. Ganito ang pagsasalarawang ibinahagi noong umaga ng Martes, Oktubre 26, 2021, ng maraming mga netizens sa mga opisyales ng gobyerno na nagpasyang ibaba na ang alert level ng Metro Manila sa kasalukuyan ngayong Alert Level 3.
Pinupuna at binabatikos din ng marami pati na ang pagpoapahayag ng gobyerno na lumulubay na ang pagiging nakakahawa ng COVID 19 virus sa National Capital Region. Nagmula ang mga puna at batikos na ito sa kaguluhang idinulot sa Dolomite Beach noong Linggo, Oktubre 24, 2021 dahil sa libo-libong tao na namasyal doon, kasama na pati ang mga batang menor de edad pa lamang.
Matapos maglabasan sa mga diyaryo, radyo, at telebisyon ang mga litrato at video footages ng mga tao na nagdagsaan sa Manila Dolomite Beach, kitang-kita na nataranta at naalarma ng husto ang Department of Health (DOH) at ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (o IATF), kasama na ang liderato ng Lungsod ng Manila.
-ooo-
MGA KABATAAN, DATI NG PINAYAGAN UPANG MAKAPAMASYAL SA DOLOMITE BEACH, PINAGBABAWALAN NA NAMAN ULIT TUMUNGO SA LUGAR: Ipinahayag ng DOH na delikado pa din sa mga tao ang nagsisiksikan sa iisang lugar lamang, dahil, ayon dito, patuloy pa din ang kabagsikan ng COVID 19 at malaki ang posibilidad na magkahawaan ang maraming nagpunta sa Dolomite Beach noong Linggo.
Agad namang naglabas ng utos ang IATF na nagbabawal na muli sa mga batang mababa ang edad sa labindalawang taong gulang ang pumasok o mamasyal sa Dolomite Beach. Sa kabilang dako, hininig naman ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga autoridad ng gobyerno, partikular sa IATF, na agad parusahan ang mga opisyales ng Department of the Environment and Natural Resources na nagbigay-pahintulot upang pasukin ng mga namamasyal ang Dolomite Beach.
Binanggit ni Mayor Isko na kawalan ng tamang pag-iisip ang tumama sa mga DENR officials na pumayag ng buksan ang Dolomite Beach sa lahat ng gustong mamasyal doon. Sa pagtaya ng pulisya, hindi bababa sa apat na libong tao ang namasyal sa lugar noong Linggo. Hinamon ni Isko ang IATF na sampahan din ng kaukulang kaso ang mga DENR officials na responsable naging sitwasyon sa Dolomite Beach.
-ooo-
MAYOR ISKO, HUMILING SAD IATF NA KASUHAN ANG MGA DENR OFFICIALS NA NAGBIGAY-PAHINTULOT SA PAGDALAW NG LIBO-LIBO SA DOLOMITE BEACH: “Ang ironic kasi diyan, sila yung nagpapatupad, sila rin ‘yung lumalabag,” sabi pa ng alcalde na tumatakbo ngayon bilang pangulo sa Halalan 2022. Sa utos ng IATF, ibinaba nito sa Alert Level 3 mula sa Alert Level 4 ang katayuan ng Metro Manila tungkol sa COVID 19, mula October 16 hanggang October 31.
Sa mga alituntunin, pinaka-mahigpit na alert level ang Level 4. Sumusunod dito ang Alert Level 3. Sa Alert Level 3, mas maraming mga negosyo ang pinapahintulutang magbukas, bagamat nananatili ang pangkalahatahang mga pagbabawal, at ipinatutupad pa din ang mga kautusan tungkol sa face mask, face shield, at social distancing.
Pinahihintulutan na ang mas maluwag na pagbi-biyahe sa iba’t ibang mga lugar. Sa mga indoor areas, pinahihintulutan ang hanggang 30% kadami ang mga tao, basta’t sila ay fully vaccinated. Sa mga outdoor areas naman, hanggang 50% ang pinapayagang tumungo, basta’t ang mga ito ay fully vaccinated.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.