Advertisers

Advertisers

Hakot brigade ni BBM!

0 841

Advertisers

SAAN mang lupalop sa kalakhang Luzon magtungo ang grupo ng anak ng kung tagurian ay diktador ng bansa, ay pinuputakte si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr., ng malaking bilang ng tagasuporta.

Sa biglang sulyap ay mapagkakamalan na talagang solido ang pagtangkilik ng masa sa nag-iisang anak na lalaki ng pinatalsik na pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand Edralin Marcos Sr. ng Ilocos Province at Imelda Romualdez ng lalawigan ng Leyte.

Ngunit kwidaw, pagkat mistulang nadadaya lamang pala sa sugal na didal ang sambayanang Filipino?



Sa mga ka-SIKRETA natin na di nakakaalam kung ano ba ang didal, ito po ay isang uri ng madayang table game o sugal sa mga perya-sugalan ( Pergalan) kung saan ay daig pa sa hiholdap ang mga mananaya.

Anuman ang lumabas mula bolantes at tayaan ng puntos ay siguradong nauuwi sa pagkatalo pagkat para na ring nasasalamangka ang mga mata ng mga ito ng operator ng sugalan at sa tuwina ay umuuwing luhaan ang mga mananaya. Kaya kasabihan na nga ang kawikaang parang nadidal sa sugalan.



At sa ganitong uri ng maniobra ay sa wari’y bihasang-bihasa ang batang Marcos na kilala din sa taguring BBM.

Sa katunayan ay nasentensyahan ito ng Quezon City Regional Trial Court Branch 15, noon pang taong 1995 ng pagkabilanggo at pagbabayad ng multa sa kasong di pagbabayad ng kanyang buwis simula nooong 1982 hanggang 1984.



Ngunit ang hatol ng Mababang Hukuman kay BBM ay ibinaba ng Court of Appeals (CA), at sa halip na ipabilanggo ay pinatawan na lamang ito ng parusang pagmumulta.

Kaya sa totoo lang para na ring nadidal ni BBM noon pa mang ito ay Bise Gobernador ng Ilokos Norte ang sambayanang Filipino.

Samakatwid pa rin si BBM pala ay isang ex-convict at ang pagiging sentensyadong kriminal ay matagal din nalingid sa ating kaalaman.

Dahil dito ay may grupong nagharap ng petisyon sa Commission on Election (COMELEC) para idiskwalipika o ipawalang bisa ang Certificate of Candidacy (COC) ni BBM.

Ang nabanggit na kaso ay nakabinbin pa ngayon sa tanggapan ng COMELEC.

Habang di pa napagpapasyahan ang kapalaran sa pulitika ni BBM ay umarangkada naman ang pakitang gilas ng grupo nito sa pamamagitan ng “Hakot Brigade” sa tuwing magdadaos ng mga political caravan sa ibat-ibang lugar ng Luzon.

Aakalain talaga na napakalakas ng dating sa masa ni BBM, pagkat sa mga pangunahing lansangan sa alinmang lugar na puntahan nito ay nakakalat ang hukbo ng ” Red Brigade” na sumisisimbolo sa kulay ng partidong kinaaniban ni Bongbong.

Liban sa kontodo naka-pulang T-shirt ay mapupuna din ang dala-dalang food packs at halatang di kabisado ng mga supporter ni BBM ang mga lansangang kanilang ginagalawan.

Sa pinakahuling motorcade ng grupo ni BBM sa Batangas City ay nadiskudre ng mga Batangueno na karamihan pala sa mga nakalinya sa mga lansangan na kunyari ay nag-aabang sa pagdaan ng entourage ni BBM ay mga hinakot na Ilokano at mga residente ng Maynila na kung tawagin din ay “Ninoy Division.”

Ang “Ninoy Division” naman ay sumisimbolo sa Limangdaang Pisong papel na kwartang Pilipino na nalimbag sa panahon ng mga naunang pangulo ng bansa.

Umaabot naman sa 22 passenger buses na naglululan sa “Ninoy Division” ang nadiskubreng ipinarada sa Batangas City Diversion Road para maitago sa mga mapanuring mata ng residente ng siyudad sa kanilang pagdating.

Ang mga ito ay tila bula ding nalusaw sa mga pangunahing kalye ng Batangas City kaalinsabay sa paglisan ng grupo ni BBM. Ngunit di maitatatwa na “walang lihim na di nabubunyag”.

Sa palagay nyo mga ka-SIKRETA, sino ang nagpondo sa “Ninoy Division”? May kinalaman kaya ang ill-gotten wealth at ang hidden Yamashita gold sa maniobra at pakitang gilas ni BBM?

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.