Advertisers

Advertisers

Gen. Carlos, suportado!

0 832

Advertisers

TULAD ng kanyang hinalinhang pinakamataas na pinuno ng kapulisan ay nakahandang suportahan ng bagong PNP Director General Dionardo Bernardo Carlos ang kanilang hanay sa CALABARZON at sa buong bansa katulad ng inilaang pagpapahalaga ng pinalitan nitong ex-PNP Chief General Guillermo Lorenzo T. Eleazar.

Si Eleazar na nagretiro sa serbisyo kasabay ng araw ng kanyang ika-56th birthday noong November 13, 2021 ay naghain ng kanyang kandidatura sa pagka-senador para sa halalang gaganapin sa May 2022.

Tinanggap na ni Eleazar ang panawagan ng milyon-milyong mga kababayang Filipino na tumakbo sa Senado upang ituloy ang mahusay at matapat na paglilingkod nito sa mga mamamayan at maging behikulo ito tungo sa pagbabago at kaunlaran na matagal na rin kinauuhawan ng mahigit sa 111 milyong Pinoy.



Tama naman ang pananaw ni Senador at presidential aspirant, Panfilo Lacson na ang pagsapi ni Eleazar sa Partido Reporma ay dagdag na kalamangan nila laban sa kanilang katunggali sa halalan kung ang pagbabatayan ay ang integridad, karanasan at katatagan sa serbisyo publiko.

Sang-ayon naman sa maraming political analyst, kung tunay man na salat ang Partido Reporma kung ang pag-uusapan ay yaman at kapasidad sa paggastos ay angat naman sila sa puso ng mga botante sa pagpili ng kanilang iboboto.



Ayon ps kina Lacson at sa kanyang Vice Presidential standard bearer, Senador Tito Sotto, ang pangunahing titingnan ng mga mamamayan ay kung ano ang ibibigay na serbisyo at tapang sa pagbaka sa krimen na taglay ng kanilang lapian.

Bilang pagtugon at pagtanggap sa hamon ng sambayanan ay nangako naman si Eleazar na patatatagin ng mga ito ang posisyon ng bansa para ipaglaban ang lehitimong karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), gagawa ng mga batas para lusawin ang kriminalidad at korapsyon, at paangatin ang buhay ng mga mamamayan.



Sa kanya namang pahayag sa pagdalaw ni Carlos sa PNP Region 4A, ipinangako nito na higit pang paiigtingin ng kapulisan ang pagbaka sa komunistang rebelde at grupong armadong kriminal habang naghahanda ang PNP sa papalapit na 2022 national election.

“Lalo pa nating palalakasin ang hanay ng PNP Region 4A at sa buong bansa para higit ding lumakas ang ating mga tropa sa mga lugar na nananalanta ang mga insurekto, terorista at armadong grupo na maaaring maghasik ng takot sa mga botante sa kapahahunan ng halalan.

“Sisiguruhin natin na hindi masasayang ang boto ng atin mga kababayan at magtatagumpay na maidaos ang ating halalan na walang bahid ng karahasan at katiwalian”, pahayag pa ni Gen. Carlos.

Sabi pa ng heneral ay ipatutupad pa ng higit na matindi ang pagbaka laban sa iligal na droga kung saan libu-libo na ang nasawi sa mga lehitimong police operations.

Ayon pa sa pang-27 naging PNP Chief at miyembro ng PMA Maringal Class ’88 ay itutuloy nito ang mga nasimulang programa ng pinalitan nitong hepe ng kapulisan, lalo na ang transparency at accountability programs habang pinalalakas din ang programang pangkalusugan at PNP Body Mass index ng bawat isang mga pulis.

Ang pagpapanatiling malusog at may kakayahang tumugon sa gawaing pulis ay tumutugma sa PNP Physical Fitness Program sa pamamagitan ng PNP Body Mass Index Program ay isang obligasyong dapat sundin ng kada miyembro ng kapulisan, ayon pa kay Gen. Carlos.

Hindi rin aniya papayagan ng kapulisan na makagawa ng anumang labag sa batas na gawain ang sino man sa gitna ng pandemya kayat igigiit nito sa kanyang mga tauhan na ipagpatuloy ang paglilingkod bilang frontliner sa harap ng namamayaning pangdaigdigang krisis na pangkalusugan.

Tiniyak naman ni PNP Region 4A Director, PBG Eliseo DC Cruz na buong pusong susuportahan nito si Gen. Carlos at ng kanilang mahigit sa 13,600 na opisyales at kagawad ng pulisya na sumasaklaw sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon (CALABARZON).

Sa katunayan, kaalinsabay ng pagluklok ni Gen. Carlos sa kanyang tungkulin ay naglunsad naman ang kapulisan sa ilalim ni PBG Cruz ng anti-drug and criminality operations na nagresulta sa pagkadakip ng mga high profile drug personalities at wanted criminal elements sa hurisdiksyon ng PNP Region 4A.

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.