Advertisers
INARESTO at sinibak sa trabaho ang isang motorcycle taxi rider nang hipuan at yayain nito sa motel ang babae niyang pasahero sa Valenzuela City.
Ang insidente ay nakunan ng video ng biktima.
Kinilala ang rider na si Dennis Bendecio, na makikita sa video na ilang beses inaya na mag-hotel sila ng 24-anyos na biktima na itinago sa pangalang “Grasya.”
“Saglit lang one hour lang… Hanap tayong hotel,” pag-aya ng rider kay Grasya habang nagmamaneho.
Tinatapik din ni Bendecio ang hita ng biktima.
“Hindi na kuya, drop niyo nalang ako. Malapit narin naman po,” tugon ni Grasya sa rider.
Makailang ulit na nangungulit pa ang rider sa pag-aaya na mag-hotel sila.
Kalmado pa si Grasya noong una, pero umalma rin siya kalaunan.
“Masyado na pong offensive ‘yan. Masyadong malapit na po sa ano ko ‘yung hawak mo, kuya,” anang biktima.
Tila nahimasmasan lamang ang rider nang malapit nang bumaba ang babae, at panay ang paghingi ng tawad ng rider.
“Baka i-report mo ako ma’am, sorry po ah,” sabi ni Bendecio.
“Pero grabe po kasi ‘yung hawak niyo,” sabi ni Grasya sa rider.
Sinabi ni Grasya na nakaramdam siya ng takot na baka dalhin siya sa madilim na lugar ng rider. “Parang iba na ‘yung gagawin niya, so natatakot na po ako. ‘Yung kamay ko nanginginig-nginig na. Nu’ng namimilit na po siya at that time, nasa isip ko po na baka idaan ako sa madilim. Nakaka-trauma.”
“Baka mas mapahamak ako or baka mahagip ako or mapilayan. Pumasok po ako sa bahay tapos doon ako nag-iiyak. Mga one hour na po nahimasmasan na po ako. That’s the time na pumunta kami sa police station ng Valenzuela,” dagdag ni Grasya, na ginusto ring tumalon mula sa sinasakyang motorsiklo.
Kinondena ng JoyRide ang ginawa ni Bendecio, na kanila nang pinatalsik sa trabaho.
Sinampahan na rin ng reklamo ng biktima si Bendecio sa piskalya.